LUCAS 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
PAGNINILAY:
Tuwing inuusal natin ang Angelus sa ika-6:00 ng umaga at gabi bawat araw at tuwing dinarasal ang unang misteryo ng tuwa sa rosaryo, pinagninilayan natin ang pahayag ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Sa ating lipunan sa ngayon, kapag nanliligaw ang isang lalaki sa isang babae, o tuwing may hinihiling ang isang anak sa kanyang magulang, hangga’t hindi niya tuwirang naririnig ang sagot na “Oo” o “Hindi,” nasa balag siya ng alanganin. Nagpapakipot pa ba ang babae, o si Nanay baý nagkukuwenta pa ng budget kung pagbibigyan ang hiling? Sa kaso ni Maria, walang pag-aatubili ang kanyang “Oo!” Buong puso, buong tapang at buong tatag. Kung bagaý nakakabit lagi ang kanyang wi-fi at mabilis ang internet connection para sa Diyos. At sa tulong niyaý naganap ang planong kaligtasan ng Diyos para sa sanlibutan.. Ganito rin para sa atin. Sa bawat pag-oo natin sa Diyos, nagkakaroon ng bagong sigla at kulay ang ating buhay; nagagawa natin ang mga bagay na datiý hindi natin maisip na kayang gawin. At ang malaking sorpresa, ang iniisip nating pagbubukas-palad, isa palang pagtanggap sa isang mas banal, mas payapa, mas maligaya at mas tigib-pagmamahal na buhay sa piling Niya at sa iba pang mga nilikha na ipinagkakaloob Niya sa atin. O, mahal na Birheng Maria, aming modelo at Ina, loobin mong gaya moý huwag kaming magdadalawang-isip sa pagtugon sa anumang iatas ng Ama sa amin, Amen.