EBANGHELYO: Jn 21:1-14
Muling ibinunyag ni Jesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas, na tinaguriang kambal, Nathaniel, na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya, “Sasama kami sa ‘yo.” Lumabas sila at sumakay sa bangka, ngunit wala silang nahuli ng gabing ‘yon. Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, may kaunti kaya kayong makakain?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog ninyo sa may bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon sa dami ng isda. Kaya sinabi ng alagad na ‘yon na mahal ni Jesus, “Ang Panginoon s’ya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon ‘yon, nagsuot s’ya ng damit sapagkat hubad s’ya at saka tumalon sa lawa. Dumating naman ang iba pang mga alagad sakay ng bangka sapagkat hindi sila kalayuan mula sa pangpang kundi mga sandaang metro lamang. Hinila nila ang lambat ng mga isda. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: ‘Kayo ba’y sino?’ dahil alam nilang si Jesus iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito ang ikatlong pagpapahayag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Nag-almusal ka na ba? “Halikayo at mag-almusal tayo.” Ito ang paanyaya ni Hesus nang siya’y magpakitang muli sa kanyang mga alagad pagkatapos na siya’y muling mabuhay. Sa ikatlong pagpapakita ni Hesus, hindi pa rin nila nakilala ang Panginoon. Pero wala rin namang nangahas na magtanong sa kanya kung sino siya, dahil alam nila sa kanilang puso at isip, na siya’y si Hesus. Pamilyar sa mga alagad ang mga salita at kilos ni Hesus nang siya’y nagpakita, kaya’t hindi sila nag-atubili na sundin ang kanyang mga sinasabi upang sila ay makahuli ng maraming isda. “Sounds and looks familiar,” ika nga. Si Hesus ay nagpaparamdam sa atin sa mga karaniwang bagay, salita o pagkakataon. Pero ang tanong, nakikilala ba natin ang Panginoon, sa tuwing siya’y magpaparamdam ng kanyang pagkalinga at pagmamahal? (Pamilyar ba sa atin ang kanyang mga salita at kilos? Hindi iniwan ni Hesus ang kanyang mga alagad pagkatapos niyang mamatay at muling mabuhay. Siya’y laging nagmamasid at nakaalalay sa kanila/ lalo na sa mga pagkakataong nawawalan sila ng pag-asa. Mga kapatid, tinupad ni Hesus ang kanyang pangako na nakasaad sa ebanghelyo ni San Mateo: “Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” (Mt. 28:20) )