Daughters of Saint Paul

Abril 9, 2025 – Miyerkules  | Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 8:31-42

Sinabi ni Hesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya: “Kung mananatili kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at malalaman ninyo ang katotohanan, at magpapalaya sa inyo ang katotohanan.”       Sumagot sila sa kanya: “Binhi ni Abraham kami at hinding-hindi kami nagpapa-alipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘magiging malaya kayo?’ Sumagot sa kanila si Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ngunit hindi nanatili ang alipin sa pamamahay magpakailanman. Ang anak ay mananatili magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang magpapalaya sa inyo, totoong malaya kayo. Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit hangad ninyo akong patayin, sapagkat walang lugar sa inyo ang aking salita. Ang nakita ko sa Ama ang sinasabi ko, at ang narinig ninyo mula sa inyong ama ang inyo namang ginagawa.” Kaya sumagot sila sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Hesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ang mga gawa ni Abraham ang inyo sanang paggagawain. Ngunit ngayon, hangad ninyo akong patayin, na s’yang nangungusap sa inyo  ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Ito ay hindi gawa ni Abraham, ang mga gawa nga ng inyong ama ang inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Kami ay hindi mga anak sa labas. May isang ama lamang kami–ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Hesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong ama, mamahalin sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako galing, at ako’y pumarito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko, kundi siya ang nagsugo sa akin.”

Pagninilay:

Nararamdaman na natin ang tindi ng init ng summer. Alam natin kung gaano kahalaga ang mga puno sa ating kapaligiran. Nagbabawas ng init at nagbibigay ng malinis na hangin ang mga puno. Ang puno ay may sanga, katawan at mga ugat. Ang mga sanga at katawan ng puno ay iisa dahil nakaugnay sila sa ugat. Dinadaluyan sila ng katas na nagmumula sa mga ugat na nagbibigay-buhay sa puno. Kung puputulin natin ang puno tiyak na mamatay ito sapagkat hindi na siya nakakabit sa ugat.

Ganito rin ang nais ipaintindi sa atin ng Panginoong Hesukristo. Kailanman, hindi natin pwedeng paghiwalayin ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Banal na Espiritu sa kanyang natura sapagkat sila ay iisa. Sinabi ni Hesus: “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, iibigin ninyo ako sapagkat nagmula ako sa Diyos. Hindi ako naparito sa ganang sarili ko lamang, kundi sinugo niya ako.” 

Tandaan natin palagi ang sinasabi sa atin ng Panginoon, na ang Diyos Ama at siya ay iisa. Maraming beses itong sinabi ni Hesus. Kaya naman kung sinasabi natin na mahal natin ang Diyos, sinasabi rin natin na mahal din natin si Hesus. Itinuro rin niya na tayo ay nasa loob ng Panginoon at siya ay nasa atin. Samakatuwid, ang Diyos Ama, ang Diyos Anak, ang Banal na Espritu Santo, at tayong mga binyagan, ay naging isa. Since the day we were baptized, we have been inserted into the life of the Trinity. Nakikiisa tayo sa pagmamahalan ng Banal na Santatlo. Kung titingnan natin, ang imahe ng ating relasyon kay Hesus ay parang isang puno. Ang Diyos Ama ang ugat, si Hesus ang katawan na nakakabit sa ugat, at tayo naman ang mga sanga. Ang Katas na dumadaloy na nanggagaling sa ugat ang Espiritu Santo na nagbibigay buhay sa isang puno.

Nawa makita sa ating pakikipag-ugnayan ang bunga ng pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Tulad ni Hesus, isinusugo rin tayo na isalamin ng pag-ibig, habag, at awa ng Diyos lalo na sa nangangailangan nito. Amen.