Daughters of Saint Paul

AGOSTO 1, 2018 Miyerkules sa ika 17 na Linggo nang Taon San Alfonso Liguorio, Obispo at pantas ng Simbahan (Paggunita)

MATEO 13: 44 – 46

Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.

PAGNINILAY:

Isinilang si Alfonso sa isang marangal na pamilya sa kaharian ng Naples, Italya. Masigasig siyang nag-aral at naging abogado sa murang edad na labing anim. Naging kilala siyang abogado, subalit nang hindi niya naipanalo ang isang mahalagang kaso, dahil sa maling interpretasyon ng korte, na-depress masyado si Alfonso. Pinagnilayan niya ang mga pangyayari at sinikap na alamin kung ano ang plano ng Diyos. Pagkatapos nito, tinalikuran ni Alfonso ang abogasya dahil na rin sa katiwalian sa korte ng Naples. Napagtanto niya na tinatawag siya ng Panginoon na maging pari at noong 1729, iniwan niya ang pamilya at tahanan upang mag-aral na maging pari. Naordenahan si Alfonso sa edad na 30 at ginugol niya ang unang taon bilang pari kasama ng mga street-children sa Naples. Itinatag niya ang mga ‘evening chapels’ na naging sentro ng panalangin, komunidad, pagninilay sa Salita ng Diyos, edukasyon at iba pang mga gawain para sa mga kabataan. Ipinadala siya ng obispo bilang misyonero sa ibang lugar na mas mahirap sa mga kabataang tinutulungan niya. Nang lumaon, itinatag niya ang mga Redemptorista, isang kongregasyon ng mga pari at brothers na layuning magturo at mangaral sa mga slums ng mga lungsod at iba pang mahihirap. Paglipas ng ilang taon, itinalaga si Alfonso na obispo ng Santa Agata. Ayaw sana niyang tanggapin ito dahil matanda na at may sakit pa siya. Ginugol niya ang kanyang mga huling araw sa pagsusulat ng mga sermon, mga aklat at marami pang iba tungkol sa Santisimo Sakramento at sa Mahal na Birheng Maria. Namatay si San Alfonso noong Agosto 1, 1787.  Tulad ng negosyante sa ebanghelyo ngayon, natagpuan ni San Alfonso ang perlas na napakahalaga at tinalikuran niya ang marangal na pamilya, ang kanyang tahanan, ang tagumpay at magandang buhay bilang isang abogado at ang lahat ng layaw at kapangyarihan. Ikaw, kapatid/kapanalig, natagpuan mo na ba si Kristo? May hinihiling ba siyang talikuran mo upang lalo kang mapalapit sa kanya? (Hingin natin ang biyayang isugal ang lahat upang makamtan ang katangi-tanging perlas – ang walang-hanggang buhay kaisa ng Panginoong Jesus!)