Daughters of Saint Paul

AGOSTO 1, 2019 HUWEBES SA IKA-17 LINGGO NG TAON Paggunita kay San AlfonsoLiguorio, Obispo at Pantas ng Simbahan

 

EBANGHELYO: Mt 13:47-53 

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing din ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin. Nauunawaan n’yo ba ang lahat ng ito?” “Opo.” Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.” Nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.

 

PAGNINILAY:

Narinig natin sa Ebanghelyo, na ginamit ng Panginoong Jesus ang talinhaga ng lambat para isalarawan ang isang malalim na katotohanan tungkol sa mangyayari sa atin sa katapusan ng mundo. Para tayong mga isdang nahuli ng lambat! Kapag puno na ang lambat hihilahin ito ng mangingisda sa tabi ng pampang, iisa-isahing suriin ang isdang nahuli – at paghihiwalayin ang mabubuti at masasamang isda; ang mapapakinabangan, at ang walang pakinabang na isda, itatapon.  Ganito rin ang kahihinatnan ng ating kaluluwa sa katapusan ng ating buhay. Pipiliin ng Diyos ang mga karapatdapat sa Kanyang Kaharian at itatapon sa nagliliyab na pugon ang mga hindi karapatdapat.  Mga kapatid, nais ng Diyos na maligtas tayong lahat.   Kaya nga ipinadala Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa ating kaligtasan.  Pero ang kaligtasang ginawad sa atin ng Panginoong Jesus, dapat din nating pangalagaan habang tayo’y nabubuhay.  Dapat natin itong ingatan sa ating puso at sa ating buhay.  Kaya kinakailangan din ang ating pakikipagtulungan sa Diyos para mapanatili ang ating tinamong kaligtasan.  Araw-araw, nahaharap tayo sa mga sitwasyong kinakailangan nating mamili sa pagitan ng masama at mabuti, sa pagitan ng kung ano ang kalugod-lugod sa Diyos at kung ano ang taliwas sa Kanyang kalooban.  Ano ba ang lagi nating pinipili?  Alalahanin natin na anuman ang desisyon natin araw-araw, pananagutan natin ito sa harap ng Diyos, pagkatapos ng maikling buhay natin sa mundo. Harinawang lagi nating pipiliin ang Diyos nang higit sa lahat sa ating buhay. 

 

PANALANGIN:

Panginoon, matanto ko nawa lagi na hiram lang ang aking buhay.  Gamitin ko nawa ito sa kabutihan para Sa’yong kapurihan. Nang maging karapatdapat akong pumasok Sa’yong Kaharian magpakailanman, Amen.