EBANGHELYO: Jn 6:24-35
Napupuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng lawa na walang bangka noon sa lugar na iyon kundi isa lang at hindi sumakay si Jesus sa bangkang ito kasama ang kanyang mga alagad. Ngunit ang ilang malaking bangkang galing Tiberias ay dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay sa pagpapasalamat ng Panginoon. Kaya ng mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus at ang mga alagad n’ya sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Guro, kailan ka pumarito?” Nagsalita sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil sa nakita ninyo sa mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain ninyo at kayo ay nangabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan. Ito ang ibibigay ng Anak ng Tao sa inyo, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga ipinagagawa ng Diyos?” “Ito ang ipinagagawa ng Diyos: ‘Maniwala kayo sa sinugo niya’.” “At anong tanda ang magagawa mo upang pagkakita nami’y maniwala kami sa ‘yo?” “Ano ba’ng gawa mo?” “Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.” “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”
PAGNINILAY
‘Gumawa kayo ng mga bagay na makalangit.’ Ito ang panawagan sa atin ngayong panahon ng pandemya. Sa gitna ng kadilimang nararanasan natin sa ngayon, sa gitna ng takot at pangambang mahawaan ng nakamamatay na sakit, sa gitna ng araw-araw na pagtahak sa tila walang kasiguraduhang kinabukasan – inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na gumawa ng bagay na makalangit. Gumawa ng mabuti. Maging daluyan ng habag at awa ng Diyos, sa kabila ng sariling pangangailangan. Maging karamay at mukha ni Kristo sa mga taong lupaypay at nawawalan na ng pag-asang mabuhay. Totoo na marami sa atin ngayon ang namumrublema kung paano maitatawid ang pang-araw-araw na pagkain ng pamilya. Pero maliwanag ang sabi ng Panginoong Hesus: “Ako ang tinapay ng buhay. “Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.” Panghawakan natin ang mga salitang ito ng Panginoon kapatid, at natitiyak kong mananatiling matatag ang ating pananalig sa Kanya sa kabila ng mga pagsubok; mananatiling payapa ang ating puso’t isip sa kabila takot at pangambang ating nararanasan. Dahil pinalalakas tayo ng Panginoong Hesus, ang totoong tinapay ng Diyos na pumanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.
PANALANGIN
Panginoong Hesus, nananalig po kami na Ikaw ang tinapay ng buhay na bumubusog sa aming espiritwal na pagkagutom at pumapawi ng aming pagkauhaw. Itinataas po namin Sa’yo ang mga pagkagutom at pagkauhaw na nararanasan namin ngayong panahon ng pandemya, at nananalig po kaming hindi kami mauuhaw, ni magugutom kung nakakapit kami Sa’yo. Dagdagan Mo po ang aming pananampalataya at palakasin ang aming loob sa pagharap ng mga suliraning dulot ng pandemya, Amen.