BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa unang araw ng Agosto, Kapistahan ni San Alfonso Maria Liguorio, Obispo at Pantas ng Simbahan. Si San Alfonso ang tagapagtatag ng Kongregasyon ng mga Redemptorists at siya ang patron ng mga moral theologians at nagpapakumpisal. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin natin ang biyaya ng karunungan, nang lagi tayong makapagpasya ayon sa kalooban ng Diyos. Ihabilin din natin sa Diyos ang buong buwan ng Agosto, nang pakabanalin natin ang bawat sandali sa paggawa ng mabuti. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata labintatlo, talata tatlumpu’t anim hanggang apatnapu’t tatlo.
EBANGHELYO: Mt 13:36-43
Pinaalis ni Jesus ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang Kaharian ang mga iskandalo at mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!”
PAGNINILAY
Mga kapatid, napakaraming bagay ang pinagdedebatehan sa panahon natin ngayon, na nagdudulot sa atin ng kalituhan, agam-agam at pangamba. Dapat bang gawing legal ang divorce? Ang abortion? Makakatulong ba talaga sa pag-angat ng ating ekonomiya ang Maharlika Investment Funds? Paano kung kurakutin lang ito at mauwi sa bulsa ng iilan? Ano ang marapat gawin para mahinto na ang cyber bullying at online scamming? At napakarami pang ibang usapin. Sa personal nating buhay, kadalasan hirap din tayong magpasya kung ano ang tama; at kung ano ang gagawin natin, sa gitna ng mga nakikita nating katiwalian. Magbubulag-bulagan na lamang ba tayo? O maglalakas-loob na magsalita. Paano kong manganib ang buhay ko? Paano kung mawalan ako ng trabaho? Paano ko bubuhayin ang pamilya ko, kung hindi ako kakapit sa masama? Mga kapatid, kapag nalagay tayo sa ganitong sitwasyon, sana’y sundan natin ang halimbawa ng mga apostol, na lumapit sa Panginoong Hesus. Humingi tayo ng Kanyang paggabay: “Ipaliwanag mo po sa amin, Panginoon, ang mga talinhaga sa aming buhay.” Makinig tayo sa sasabihin niya; dahil tanging sa liwanag ng kanyang Espiritu lamang natin makikita ang “bigger picture.” Hindi lang ito pagtatalo ng magkabilang partido sa politika, relihiyon at prinsipyo. Ito’y pagtutunggali ng kabutihan at kasamaan. Saan ka papanig at sino ang iyong susundan?
PANALANGIN
Panginoon, patatagin mo kami sa aming pakikipagtunggali laban sa kasamaan. Manalig nawa kaming lagi na sa katapusan, tanging kabutihan lamang ang mananaig. Amen.