JUAN 12:24-26
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, ang kamatayan ni San Lorenzo, isang tagumpay. Dahil sa kanyang pagkamartir, nagkaroon ng katuparan ang sinabi ni Jesus sa Ebangheyo ngayon: “Kung ang butil ng trigo di mahulog sa lupa at di mamatay, ito’y maiiwang mag-isa, pero kapag namatay, mamumunga ng marami.” Sa mga panahong ito ng kadiliman at karahasan sa ating bansa, sa panahon ng halos araw-araw na patayan, na pati mga paring naninindigan sa katotohanan, hindi na iginagalang, kundi pinapaslang – dapat ba tayong matakot at manahimik? Ayon nga sa Liham Pastoral ng Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas: Ano ang bago tungkol sa mga paring pinapaslang dahil sa kanilang pagpapatotoo kay Kristo? Ano ang bago tungkol sa mga propeta ng ating panahon na pinatatahimik ng mga traydor na bala ng mga mamamataytao? Ano ang bago tungkol sa mga pinunong-lingkod na nilalait dahil sa pagtataguyod nila ng kanilang tungkulin bilang mga pastol na sumusunod sa huwaran ng kanilang Punong Pastol? Nakalimutan na ba ninyo na “ang dugo ng mga martir ay binhi ng mga Kristiyano?” (ani Tertullian) Ito ang nagpanatiling-buhay sa Simbahan sa nakaraang dalawang-libong taon. Katulad ni San Lorenzo at marami pang Santo at Santa na buong tapang na nag-alay ng buhay alang-alang sa pananampalataya. Kaya huwag tayong matakot! Hindi ba sinabi ng ating Panginoon, “Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno.” Mga kapanalig, hindi na bago sa atin ang hamakin at tuligsain. Dinanas ito mismo ng ating Panginoong Jesus, ng kanyang mga apostoles at lahat ng mga sumunod pang Kristiyano na matatag na nanindigan sa pananampalataya hanggang kamatayan, katulad ni San Lorenzo. Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang makapagpatotoo ako sa tulong ng Iyong biyaya. Amen.