EBANGHELYO: JUAN 12:24-26
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. Eric Mark Sarmiento ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Madalas na iniisip ng karamihan na ang pagpapalaganap ng Salita ng Diyos, nakaatang lamang sa mga pari o sa mga madre, sa mga katekista, o sa mga laykong aktibo sa Bible ministry. Pero ang katotohanan, tungkulin ito ng bawat binyagang Kristiyano. Ang gawaing ito, gawain ng bawat isa sa atin. Para tayong mga butil ng trigo na yumayabong kapag itinanim sa lupa. Sa ating paglago, inaanyayahan tayong ibahagi ang Salita ng Diyos sa lahat lalo na sa mga hindi pa nananampalataya. Pero madalas, isinasantabi natin ang gawaing ito sa maraming kadahilanan. Una, hindi ito bahagi ng ating prioridad. Pangalawa, kulang tayo sa kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos. Pangatlo, takot tayo, dahil ang tingin natin sa ating sarili, hindi kapani-paniwala. Mga kapatid, hindi lamang sa paraang pasalita natin maaaring maipakalat ang Salita ng Diyos. May mga pagkakataong maaari natin itong gawin sa pamamagitan ng pagpapakita sa ating kapwa ng mga mabubuting gawa. May mga kasabihan nga sa Ingles na “Action speaks louder than words.” O, “Be careful how you live, you may be the only Bible some people will read.” Ipinapahiwatig ng mga kasabihang ito na kinakailangang makita sa ating buhay ang ating sinasampalatayanan; na sana binabago ang ating pagkatao ng Salita ng Diyos na araw-araw nating napakikinggan at napagninilayan. Hindi na natin kailangang magpakalayo-layo katulad ng mga misyonero, para ipalaganap ang Salita ng Diyos. Unahin natin ang ating pamilya, ang ating pinagtatrabahuhan, ang ating komunidad…sila dapat ang unang makaranas na nagbubunga ang Salita ng Diyos sa ating buhay, Amen.
“