Daughters of Saint Paul

AGOSTO 10, 2020 – LUNES SA IKA-19 NA LINGGO NG TAON | Kapistahan ni San Lorenzo, diyakono at martir

EBANGHELYO: Jn 12:24-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Ronel Soriano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito.” Ito ang sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad. Nagpapahayag ang mga salitang ito ng isang katotohanan, na marahil para sa iba ay mahirap tanggapin at isabuhay. Pinapaalalahanan tayo ni Hesus na kailangan nating mamatay sa ating sarili upang ang ating buhay ay magbunga ng maraming mabubuti at magagandang bagay. Ang daling sabihin, pero ang hirap nitong isabuhay. Bakit kaya? Tignan natin ang isang butil ng trigo. Mapapansin natin na ang isang butil ay natatanggal sa kanyang ulo at nahuhulog sa lupa. At ito ay isang imahe ng paglayo. At sinasabi sa atin ng imaheng ito, kung nais nating maganap ang pagbabago at paglago sa ating buhay, dapat tayong maging handa na isuko at pakawalan ang mga bagay na mahalaga sa atin. Oo, mahirap, pero kailangan natin ito para lumago! Kagaya ng isang butil ng trigo kapag namatay at nabaon sa lupa, natutupad nito ang kanyang layunin at lalo pang lumalago sa kanyang paglaki tungo sa kasaganaan. Pagnilayan natin sa araw na ito, ano-ano ba ang mga ang mga bagay na kailangan nating isuko at bitawan para sa Diyos? 

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo po akong ipaubaya at isuko ang aking mga sariling kagustuhan na hindi naaayon sa iyong banal na kalooban. Tulungan mo ako na laging magtiwala sa iyong mga plano upang ako’y mamunga ng mabuti at masagana tulad ng isang maliit na butil ng trigo. Amen.