EBANGHELYO: Jn 12:24-26
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Si Hesus ang tinutukoy na butil ng trigo na nalaglag at namatay. Sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, nabigyan niya ng buhay ang lahat. Ito ang malaking hamon sa atin ng Ebanghelyo. Kinakailangang mamatay sa sarili upang mabuhay ang iba. Anong ibig sabihin ng maging isang butil ng trigo? Sabi ni Pope Francis sa isa sa kanyang audiences, aniya: It means to think less about oneself, about personal interests and to know how to “see” and to meet the needs of our neighbors, especially the least of them. Bilang Kristiyano huwag laging isipin ang pansariling kapakanan, ang sariling sitwasyon, kung anong maganda at mabuti para sa atin. Gayunpaman, isipin din natin ang kapakanan ng ibang tao. Marami sa ating mga kababayan ang nasasadlak sa kahirapan dulot ng pandemya, isipin din natin sila at gumawa ng hakbang upang matulungan sila. Maraming santo ang nagbuwis ng buhay upang umusbong ang pananampalataya ng marami. Isang halimbawa na si San Lorenzo. Bilang diyakono, siya’y naatasan bilang tagapangalaga ng temporal goods ng Simbahan. Dahil sa galit ni emperor Valerian sa mga Kristiyanong mayayaman at upang maligtas ang Simbahan, ipinamahagi ni San Lorenzo ang kayamanan ng Simbahan sa mga mahihirap upang sila’y mabuhay, bunsod ito ng paniniwala sa payo at paalala ni Hesus, na sila’y pinagpapala at minamahal ng Diyos. Hindi na inisip ni San Lorenzo ang sariling buhay at kapakanan, bagkus, ang kapakanan ng iba. The blood of the martyrs is the seed of the Church.