Daughters of Saint Paul

AGOSTO 10, 2023 – HUWEBES NG IKA-18 SA KARANIWANG PANAHON  |  Kapistahan ni San Lorenzo, diyakono at martir                        

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ni San Lorenzo, diyakono at martir.  Ito po muli ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  (Sa pagtatanggol ni San Lorenzo sa pananampalataya kay Kristo, pinahirapan siya at pinatay sa pamamagitan ng pagdadarang sa kanya sa isang parilya.  Itinulad siya sa isang baboy na nililitson.  Sa kabila nito, nagawa niya pang magpatawa at sabihin na luto na siya sa kabila, sa kabila naman. Ang lahat ng hirap at pasakit kanyang tiniis alang-alang sa pananampalataya.  Ang pag-aalay ng buhay ni San Lorenzo, ay nagbunga ng sagana sa ating Inang simbahan, katulad ng butil ng trigo, sa maririnig nating Mabuting Balita ngayon, ayon kay San Juan kabanata Labindalawa, talata dalawampu’t apat hanggang dalawampu’t anim.)  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata Labindalawa, talata dalawampu’t apat hanggang dalawampu’t anim.

EBANGHELYO: Jn 12: 24-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Patrick Paul de Castro, OSA, ang pagninilay sa Ebanghelyo.  “Para kanino ka Bumabangon?” Yan ang isang patalastas sa telebisyon ng isang sikat na brand ng kape. Pero, ang tanong ko sa ‘yo? “Para Kanino ka Nabubuhay?” Ikaw ba ang taong, masaya pero laging may kulang? Ano ba ang importante ngayon sa buhay mo? Ang iyong kasikatan, tagumpay, kayamanan, at kapangyarihan?  Mga kapatid, ang buhay natin dito sa lupa ay isang paglalakbay.  Isang paglalakbay, kasama si Hesus, ang ating pamilya, kaibigan, katrabaho, kapatid, kapanalig.  “No man is an island” ika nga. At sa paglalakbay nating ito, tinatahak natin ang daan ng krus, kung saan kinakailangan nating maging katulad ng isang butil ng trigo, na nahuhulog sa lupa at namamatay upang mag bigay buhay sa iba.  Katulad ng ginawa ni Kristo, na inalay ang kanyang buhay para sa atin, nararapat lamang na ialay din natin ang ating buhay para sa iba. Lubos itong nauunawaan at isinabuhay ni San Lorenzo, Diakono at Martir, na Kapistahan ngayon.   Si San Lorenzo ay naging martir noong Agosto 10, 258, sa panahon ng pag-uusig ni Emperor Valerian. Siya’y naging kataas-taasang awtoridad ng Simbahang Katolika at naging ingat-yaman ng simbahan sa Roma. Siya ang “Guardian of the Church Treasures.”  Gusto sana siyang palayain ng Emperor, sa kondisyong dapat niyang isuko ang lahat ng yaman na pag-aari ng Simbahan.  Noong siya’y humarap sa Emperor, isinama nya ang mga taong mahihirap, may karamdaman, at may kapansanan, at sinabi nya “Ito ang lahat ng kayamanan ng Simbahan.”  Kaya dali-daling siyang dinala sa kanyang kamatayan sa pamamagitan ng pag-ihaw ng buhay sa parilya.  Mga kapatid, si San Lorenzo ay isang taong hindi lamang nabuhay para sa kanyang sarili, kundi nabuhay siya para kay Hesus at sa iba.  Pinili niyang maging butil ng trigo, namatay para magbigay buhay sa pag-ibig ni Kristo.  Kapatid, “Para Kanino Ka Bumabangon?” “Para Kanino ka Nabubuhay?”