Daughters of Saint Paul

Agosto 10, 2024 – Sabado | Kapistahan ni San Lorenzo, Diyakono at Martir

Ebanghelyo: Juan 12,24-26

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”

Pagninilay:

Naranasan na ba ninyo ang umani ng inyong itinanim? Ang saya-saya, di ba? Isa sa napakagandang karanasan ko ang magtanim ng patatas. Lumaki po kasi ako sa concrete jungle ng Maynila kaya’t hanggang sa paso lang ang mga halamang naalagaan ko. Pero, noong magtanim ako ng 3 kilong seed potatoes sa bakanteng lupa sa likuran ng aming kumbento, laking pagkamangha ko na mahigit isandaang kilong patatas ang aking inani. Sabi ni Jesus sa ebanghelyo natin ngayon, mananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito mamamatay pagka-itinanim sa lupa. Ngunit kung mamamatay ito, magbubunga ng napakarami. Hindi madali ang sumunod kay Jesus. Tulad ng binhi, kailangan nating maibaon sa lupa, mababad sa tubig, manahimik at maghintay, kalimutan ang sariling pangangailangan at kapakanan. Sa madaling salita, kailangan nating mamatay sa sarili. Pero gaya ng butil ng trigo at ng patatas, magugulat na lamang tayo sa dami ng bunga ng ating itinanim. Maaaring hindi natin makikita ito ngayon, pero siguradong sosorpresahin tayo ng Panginoon sa dulo ng ating buhay sa dami ng ibinunga ng ating maliliit na pagpaparaya at paglimot sa sariling buhay.

Panalangin:

Panginoon, tulungan mo ako upang hindi ko malimutan na panandalian lamang ang buhay sa lupa. Anumang sakripisyong gawin ko ngayon ay may bungang hindi malirip ang halaga sa iyong kaharian, kung saan makakasama kita nang walang hanggan. Amen.