Dt 4:32-40 – Slm 77 – Mt 16:24-28
Mt 16:24-28
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili?
“Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”
PAGNINILAY
Ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon, ibinahagi ng aming madre na si Sr. Rose Agtarap. Naaalala pa ba ninyo si Muelmar Magallanes? Isa siyang teenager na nagligtas ng tatlumpong katao sa baha noong 2009 bago siya mismo, tuluyang inagos ng tubig. Dalawampu’t walong katao na ang nadala niya sa ligtas na lugar at pagal-na-pagal siyang nagpapahinga nang marinig niya ang sigaw ng isang babaeng nakapatong sa Styrofoam. Kalong nito ang sanggol at takot-na-takot, umiiyak na humihingi ng tulong. Hindi nag-atubili si Muelmar na iligtas sila. Dali-dali niyang inihatid ang mag-ina hanggang sa sinalubong sila ng iba pang volunteers. Kaya lang, biglang tumaas ang tubig, at dahil hapong-hapo na siya, nakasama si Muelmar sa mga inagos at naging isa sa biktima. Halimbawa ang kabayanihan ni Muelmar ng pagsasabuhay ng ebanghelyo natin sa araw na ito: “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito, ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito.” Pumanaw si Muelmar, nawalan siya ng buhay. Pero para sa tatlumpung taong nailigtas niya at sa ating lahat na nakarinig ng kanyang kabayanihan, nananatili siyang buhay – buhay na halimbawa ng pag-ibig at pagmamalasakit sa kapwa. Kapatid, sa anong paraan ka tinatawag ng Panginoon na sumunod sa kanya sa araw na ito? Maglingkod sa asawa at anak? Sa trabaho? Sa mga kamag-anak o kaibigan? O dili kaya sa hindi kakilala, sa banyaga at bagong-salta? Ngumiti sa kaaway? Magpatawad? Manahimik at huwag umangal? Maraming paraan at pagkakataon ang ibinibigay ng Panginoon sa araw-araw. Pumili ka lang kung ano at paano. Unti – unti, dahan-dahan, isang tao sa bawat araw.