EBANGHELYO: Mt 18:1-5, 10, 12-14
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. “Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng Aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit ang mawala isa man sa maliliit na ito.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, narinig nating itinampok ng Panginoon ang mga maliliit na bata, bilang huwaran ng mga taong mas una sa Kaharian ng Langit. Marahil itatanong natin, ano bang mga katangian meron ang isang maliit na bata, bakit ganun na lamang ang pagkagiliw sa kanila ng Panginoon. Ang mga maliliit na bata, totally dependent sa kanilang magulang sa lahat ng pangangailangan; simple at mababaw ang kaligayahan; mapagpasalamat sa anumang ibigay sa kanila; walang pagkukunwari, mapagtiwala at may kababaang loob. Ito din ang mga katangiang inaasahan sa atin ng Panginoon sa ating pakikitungo sa Ama. Lalo na ngayong panahon ng pandemya. Na marami sa atin ang nahihirapan na, pinanghihinaan ng loob at nawawalan ng pag-asa. Hindi na alam ang gagawin kung magpapatuloy pa ang pandemya. Mga kapatid, dumulog tayo sa awa at habag ng Diyos katulad ng isang maliit na bata… na umiiyak sa bisig ng kanyang magulang kapag nasasaktan at may dinaramdam. Buong kababaang loob tayong manikluhod at magsumamo sa Diyos nating Tagapalikha, na kahabagan tayo at ang buong mundo, wakasan na Niya ang covid-19 pandemic na sobra nang nagpapahirap sa sanlibutan.
PANALANGIN:
Panginoon, buong puso po kaming nananalig na kung wala kayo, wala din kami. Kung hindi sayong pagkalinga at awa, matagal na kaming sumuko sa buhay. Nagsusumamo po kami katulad ng isang maliit na bata, na hilumin na ang buong mundo sa sakit na covid. Amen.