BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo. Dakilain ang Diyos nating Mapagmahal! Ikalabing-isa ngayon ng Agosto, ginugunita natin si Santa Clara ng Assisi na isang dalaga. Sa tulong ni San Francisco, kanyang itinatag ang Order of Poor Clares. (Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating lumago tayo sa pag-ibig at pagmamalasakit sa kapwa.) Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata labing-anim, talata dalawampu’t apat hanggang dalawampu’t walo.
EBANGHELYO: Mt 16: 24-28
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito. Ngunit ang naghahangad ng mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang Pakinabang ng tao, tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawawala. Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili. Darating nga ang anak ng tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang banal na Anghel. At doon niya gagantimpalaan ang bawat isa, ayon sa kanyang mga nagawa. Totoong sinasabi ko sa inyo, na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Madalas kapag bumibisita ako noon sa ospital, at bata ang may karamdaman, sinasabi ng Nanay, “naku, Ineng! Kapag ganito ang sitwasyon, mas gugustuhin ko pa na ako ang may sakit, wag lang ang aking anak”. Makikita natin sa puso ng ina, ang labis na pagmamahal sa kanyang anak. Gayundin naman sa mga ama ng tahanan, na tunay na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Naranasan ko ito sa aming mga magulang. Lumaki kaming hindi nahiwalay sa aming mga magulang. At ako bilang Ikatlo sa apat na magkakapatid; nakita ko at naranasan, ang sakripisyo ng aming mga magulang. Parehas mananahi ang aking tatay at nanay. Para sa kanila, hindi sapat ang kita ng buong araw, para itustos sa pangangailangan ng pamilya, at sa pag- aaral ng aking mga kapatid na nagsisipag-aral sa Maynila. Kaya upang may dagdag na kita ang tatay namin, pumapasada siya ng aming tricycle sa gabi. Ako naman, na tumigil muna ng pag-aaral sa College, ay namasukang tindera sa palengke, at sa huli’y naging clerk sa aming Parish Cooperative. Mga kapatid, kapag binabalikan ko ang kwento ng buhay ko, taos-puso ang pasasalamat ko sa Diyos, sa pagbibigay sa akin ng mga magulang na naging mabuti, responsable, mapagmahal at masipag. Maaaring mula sa langit ay laging nakatunghay sa amin si Tatay, at sa harap ng Panginoon Hesus, kanyang sinasabi, Panginoon sila ang aking pamilya na ipinagkatiwala mo sa akin. Salamat sa Diyos, at salamat sa aking Tatay. Salamat sa lahat ng biyaya na mula sa pagmamahal ng Diyos ay aming nakamtan. Totoo nga, na sinumang mag- alay ng buhay dahil sa pagmamahal ay may katumbas na ligaya.
PANALANGIN
Panginoon, salamat po sa pamilyang kaloob mo sa amin. Patuloy mo po kaming gabayan at ingatan. Itinataas ko po sa inyo ang lahat ng mga magulang, na ngayo’y nasa ibang bansa, upang itaguyod ang kanilang pamilya. Ang aming mga OFW’s na nagsisikap para sa kanilang mga mahal sa buhay. Amen.