Ebanghelyo: JUAN 6:41– 51
Nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol kay Jesus dahil sinabi niyang: “Ako siyang tinapay na pumanaog mula sa Langit.” At sinabi nila, “Di ba’t ito si Jesus na anak ni Jose? Di ba’t kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya ngayong masasabing ‘Mula sa Langit ako pumanaog’?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Huwag na kayong magbulung-bulungan pa sa isa’t isa. Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. “Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
Pagninilay:
Habang nakikita niya ang maraming taong nagugutom, nasambit ni Mahatma Gandhi: “There are people in the world so hungry, that God cannot appear to them except in the form of bread.” At sa kanyang pagmuni-muni tungkol sa labis na pagkagutom ng tao sa napakaraming bagay, sinabi ni St. John Paul II: “Kahit na mapunan ang pisikal na kagutuman, kahit na mapakain ang lahat ng nagugutom mula mismo sa kanilang pagtatrabaho o sa pagbabahagi ng ibang tao, mananatili pa rin ang malalim na pagkagutom ng tao. Kaya naman, sinasabi ko, lumapit kayong lahat kay Kristo. Siya ang tinapay ng buhay. Lumapit kay Kristo at hinding-hindi ka na magugutom pang muli.”
Ngayong Linggo, narinig natin ang Bread of Life discourse mula sa Ebanghelyo ni San Juan. Tahasang sinabi ni Hesus: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Ang tinapay ay simbolo ng pang-araw-araw na pagkain na nagbibigay ng lakas sa katawan. Sa espiritwal na konteksto, si Hesus bilang Tinapay ng Buhay ang nagbibigay ng sustansya at buhay sa ating kaluluwa. Ang pagkilala natin kay Kristo bilang Tinapay ng Buhay ay nangangahulugan ng pagtanggap sa kanyang sakripisyo at pag-ibig na walang hanggan. Sa bawat pakikinabang natin sa Banal na Eukaristiya, ating pinagninilayan ang sakripisyo ni Hesus na nagdudulot ng kaligtasan. Kapag nakikisalo tayo sa Eukaristiya, si Hesus ay nakikilakbay sa atin, kasama natin siya sa ligaya at lumbay ng buhay.