JUAN 6:41– 51
Nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol kay Jesus dahil sinabi niyang: “Ako siyang tinapay na pumanaog mula sa Langit.” At sinabi nila, “Di ba’t ito si Jesus na anak ni Jose? Di ba’t kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya ngayong masasabing ‘Mula sa Langit ako pumanaog’?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Huwag na kayong magbulung-bulungan pa sa isa’t isa. Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. “Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, minsan ba’y napagtatanto natin kung ang ating mga ginagawa’y nakapagbibigay buhay sa iba? O di kaya’y nagiging mabuti tayong impluwensya at halimbawa sa mata ng iba? Nakalulungkot na sa kultura nating mga tao, may ilan na nasisiyahan na hilahin ang iba pababa. Mas hinahayaan natin na ang inggit ang maghari sa ating mga puso. Narinig natin sa Ebanghelyo na nagbulung-bulungan ang mga tao dahil kinukwestyun nila ang awtoridad ni Jesus bilang tagapangaral. Umabot sa sukdulan ang kanilang pag-aalinlangan nang sabihin niya na siya ang ‘tinapay na galing sa langit’ gayundin na ‘siya’y bumaba mula sa langit.’ Hindi man ito naarok ng mga nakikinig sa kanya noon, tayo naman ngayon, hinihimok upang paigtingin ang ating pananalig sa kanya at sa kanyang mga aral. At ito ang tinapay na ating dapat laging pinakikinabangan. Nang sabihin ni Jesus na siya ang tinapay, tinutukoy niya na siya ang nagbibigay buhay. Sa kanya nagmumula ang mga makalangit na mithiin na magdadala sa atin sa ating hantungan: ang kaharian ng Ama. Ang mga turo niya, na mula rin sa Ama, nagbibigay buhay sa atin upang mamuhay tayo nang matiwasay at marangal. At ito ang ‘tinapay’ na maghahatid sa atin patungo sa buhay na walang hanggan. Hindi ito ang tinapay na bubusugin lamang tayo nang panandalian ngunit ang tinapay, ang katawan ni Jesus, ang Eukaristiya, ay higit pa sa pantawid sa panandaliang gutom, itinatawid tayo nito sa buhay na lumilipas patungo sa buhay na walang katapusan. Ang tanging hinihingi lamang niya’y magtiwala tayo at manalig sa mga grasyang ipinagkakaloob sa ating ng katawan ng Panginoon sa anyo ng tinapay. Kapanalig, kaya mo bang maging tinapay sa iba? Panginoon, nawa’y tumimo sa amin ang iyong mga aral. Tulungan mo kaming maging huwaran sa iba nang kami’y magbigay buhay rin kahit na sa maliit naming mga pamamaraan. Amen.