Daughters of Saint Paul

AGOSTO 12, 2019 LUNES SA IKA-19 LINGGO NG TAON Santa Juana Francisca de Chantal, relihiyosa

 

EBANGHELYO: MATEO 17:22-27

Minsan nang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta sa Templo at tinanong nila siya: “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo?” Sumagot siya: “Siyempre.” At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?” Sumagot si Pedro: “Ang iba.” At sinabi ni Jesus: “Kung gayon, di-saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din.”

 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa mabuting balita, na nabagabag si Jesus dahil sa kanyang nalalapit na kamatayan. Pero binanggit din Niya na siya’y mabubuhay muli sa ikatlong araw. Ang pauli-ulit na pagbanggit ni Jesus na mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw, paraan ng Kanyang pagtuturo at pagbibigay lakas ng loob sa Kanyang mga alagad. Nang huwag silang mawawalan ng pananampalataya sa oras ng Kanyang kamatayan. Binanggit din sa pagbasa ngayon ang pagbabayad ng buwis. Tinanong ni Jesus si Simon kung sino ang dapat na magbayad ng buwis, ang mga anak ba o ang mga dayuhan? Dahil bilang Anak ng Diyos hindi dapat magbayad ng buwis si Hesus. Pero, dahil hindi pa nila nauunawaan ang pagiging Anak ng Diyos ni Jesus, minarapat ni Jesus na magbayad sila ng buwis upang di sila magdulot ng ipagkakasala ng mga ito. Ipinakikita dito na nagpasailalim si Hesus sa batas ng tao, tanda ng Kanyang kababaang loob. Mga kapatid, may mga pagkakataon sa ating buhay na kailangan nating bigyan ng prioridad ang kung ano ang mas higit na makabubuti sa nakararami.  Kahit na nga nangangahulugan ito nang pagsantabi muna ng ating mga plano at prioridad sa buhay. Pero tulad ni Hesus, matuto nawa tayo ng kasunuran na tunay na nagdudulot ng kasiyahan ng kalooban.