EBANGHELYO: Mt 18:15-20
Sinabi ni Juan sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi parin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Pangalan ko, kapiling nila ako.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Cleric Haileth Gem Joseph Enarsao ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa ating ebanghelyo pinapaalalahanan tayo ni Hesus tungkol sa ating pananagutan sa ating mga kapatid. Ibinahagi din ni Hesus ang paraan o ideya kung paano makikipag-ayos sa ating kapatid na nagkasala sa atin. Tinatawagan din tayo ng pananagutang ito na akayin pabalik ang mga kapatid nating naliligaw ng landasin. Kapag alam nating nagkakamali na ang ating kapatid o lumilihis na ito, dapat na natin itong pagsabihan. Pero sa panahon ngayon, hindi madali ang simpleng pagtatama o pakikipag-ayos. Madalas hindi pinakikinggan at minsan pa nga’y ikinasasama ng loob ng iba ang ating opinyon. Kung minsan naman, ang ating simpleng pagmamalasakit ay “husga” na o judgment para sa kanila. Gayunpaman, hinihikayat tayo ni Hesus na gawin kung ano ang nararapat. Nawa’y hindi maging hadlang ang takot at manaig ang pagmamahal sa kapwa./ Mga kapatid, ito ang hamon ngayon ni Hesus sa atin, magkaroon nawa tayo ng lakas ng loob at malasakit sa isa’t-isa. Masabi nawa natin ang nararapat kung para naman ito sa ikabubuti ng ating kapwa. Sa kabilang banda, matuto din tayong makinig at tanggapin ang mga salita ng iba, kung tayo naman ang nagkakamali o nagkakasala./ Dahil ang taong marunong umako ng kanyang pagkakamali at marunong makinig ay patunay na bukas loob siyang nagnanais na lumago sa kanyang pananampalataya.