EBANGHELYO: Mt 18:21 – 19:1
Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba? Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad utang. At nagpatirapa naman sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo! Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang kanilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat mong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang. Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.” Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsiya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Ana Maria Casayas ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Para kay Hesus ang tanging tamang tugon sa anumang sitwasyon ay pag-ibig at pagpapatawad. Huwag nating kalilimutan na sa ating pagsunod kay Hesus, pinakamahalaga ang ating relasyon at ugnayan sa bawat isa. Ipinapakita ni Hesus sa atin ang kahalagahagan ng salitang “pagpapatawad.” Nagpapatawad tayo sa mga taong nagkasala at nakagawa ng mali sa atin dahil ito ay pagtulad sa Diyos. Mapapansin natin sa Mabuting Balita ngayon ang ginagawa ng hari sa kanyang alipin. Ipinapakita sa atin ang habag ng hari na nagpatawad sa pagkakautang ng kanyang alipin. Ibig sabihin, ito rin ang panawagan ng Diyos sa atin, na tularan natin ang kanyang habag, at tularan natin ang kanyang pagpapatawad. Ang napakagandang karanasang ito na pinatawad tayo ng Diyos, ang siyang nagbibigay sa atin ng pananagutan na kapag may nakagawa ng kasalanan sa atin ay papatawarin din natin. (Dahil kung paano tayo pinatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan at pagkakamali ganun din tayo magpapatawad sa mga taong nagkasala sa atin at kung paano tayo minahal ng Diyos ganun din tayo magmamahal. Alam po natin na napakahirap at hindi madali ang magpatawad, pero andyan ang Diyos na magtuturo sa atin kung paano magpatawad. Ang kailangan lang, ay hayaan natin ang Diyos na turuan tayong magpatawad. Amen.)