Daughters of Saint Paul

AGOSTO 12, 2023 – SABADO NG IKA-18 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON  |  Santa Juana Francisca de Chantal, namamanata sa Diyos

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Purihi’t pasalamatan natin ang Diyos sa mga biyayang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin.  Ika-labindalawa ngayon ng Agosto, ginugunita natin si Santa Juana Francisca de Chantal na isang relihiyosa.  Siya ang tagapagtatag ng Visitation Order na namuhay sa kababaang loob at pagiging maamo katulad ng Birheng Maria.  Sila’y naglingkod sa Diyos at sa kapwa sa pamamagitan ng mga kawanggawang pangkaluluwa at pangkabanalan.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating lumago sa ating pananampalataya at pagtitiwala na walang imposible sa Diyos.  Maraming beses na natin itong napatunayan sa ating buhay.  At sa araw na ito, muli nating panibaguhin ang ating pag-asa na walang imposible sa Diyos.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang samahan kami sa maikling pagninilay ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labimpito, talata Labing-apat hanggang dalawampu.

EBANGHELYO: Mt 17:14-20

Lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.” Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling n’yo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon. Pagkatapos ay nilapitan ng mga alagad si Jesus, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat kakaunti ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sana sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Miss Rona Lyn de Guzman ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa narinig nating Mabuting Balita, makikita natin na napakahalagang magkaroon ng pananalig sa Diyos. Hindi lang basta pananalig, kundi isang matibay na pananalig, na kahit alam nating imposible, ito’y magiging posible, dahil magagawa ng Diyos kahit pa ang pinaka imposibleng bagay sa ating buhay.  Oo, puno ng pagsubok ang buhay. At dumarating tayo sa puntong nanghihina ang ating pananampalataya minsan, at nakakalimutan nating higit na makapangyarihan ang Diyos.  Sa matinding unos sa ating buhay, nais ng Diyos na patuloy tayong manalangin at kumapit sa Kanya, dahil tunay ngang wala tayong magagawa, kung hiwalay tayo sa Kanya.  Mga kapatid, patuloy tayong inaanyayahan ng Diyos, na magkaroon ng pananampalatayang kahit sinlaki man lang ng buto ng mustasa, upang hindi tayo manghina sa oras ng mga pagsubok sa buhay. 

PANALANGIN

Panginoon nawa’y sa oras ng matinding pagsubok, turuan mo po kaming mas maging matibay pa ang aming pananampalataya sa iyo, upang maging karapat dapat kaming tumawag sa iyong Dakilang pangalan. Amen.