Ebanghelyo: Mateo 17,22-27
Minsan ng maglakbay si Hesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon s’ya sa ikatlong araw. Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga taga kolekta ng Templo at tinanong nila s’ya: “Nagbabayad ba ng buwis ang Guro ninyo?” “S’yempre.” At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad s’yang tinanong ni Hesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo? Ang mga anak ba o ang iba?” “Ang iba.” “Kung gayon, di saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon. Kunin mo ‘yon at magbayad para sa ‘yo at sa akin.
Pagninilay:
Nang magtipon si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum, tinanong ng mga maniningil ng buwis si Pedro kung nagbabayad si Jesus ng buwis. At sinagot niya sila ng, “Siyempre.” Obligadong magbayad ng buwis sa templo para sa pagpapanatili at mga serbisyo nito ang mga Hudyo kapag sila ay 20 taong gulang pataas. Nakasulat ang kanilang mga pangalan sa census. Si Kristo mismo ay nagbayad ng buwis ngunit hindi siya obligadong gawin ito. Hinihikayat rin tayo na suportahan ang Simbahan upang maipagpatuloy nito ang kanyang gawain at misyon. Maraming katekista ang nagbo-volunteer na magturo sa mga pampublikong paaralan, tinutulungan ng mga layko ang mga pari sa pangangasiwa ng parokya at ibang services, pagbibigay ng mga seminars tulad ng pre-Cana, at iba pa. Pero mahalagang responsibilidad din ng isang mabuting mamamayan ang pagbabayad ng buwis. Kailangan nating sundin ang batas para sa kabutihan ng lahat. Ang mga buwis ang nagtataguyod sa mga mahahalagang serbisyong pampubliko sa isang malusog na lipunan: ang pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, trabaho, infrastructure, ekonomiya, seguridad, atbp… Kung wala ang mga ito, mas marami ang magdurusa at mahihirapang makaraos sa araw-araw. Kapatid/Kapanalig, nagagampanan mo ba ito?