Daughters of Saint Paul

Agosto 13, 2017 LINGGO Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon

1 H 19:9a, 11-13a – Slm 85 – Rom 9:1-15 – Mt 14:22-33

Mt 14:22-33

Matapos pakainin ang mga tao, agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin.

Nang madaling araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob!  Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro; “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.”

At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi:”Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!”

PAGNINILAY 

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon.  Kamakailan lang, isinapelikula ang isang best-selling novel na pinamagatang “The Shack.” Kwento ito ng isang ama na nagngangalang Mack. Nakita niya ang Diyos, o ang Banal na Santatlo, matapos na dukutin at patayin ang bunso niyang anak na babae.  Punung-puno siya ng galit sa Diyos dahil pinabayaan ang anak niya, at sa taong lumapastangan at kumitil sa buhay ng kanyang bunso. Hindi rin niya mapatawad ang sarili dahil wala siyang nagawa para iligtas sa panganib at kamatayan ang walang malay na walong-taong-gulang niyang prinsesa.  Mga kapatid, tulad ng ebanghelyo natin sa araw na ito, inanyayahan ni Jesus si Mack sa isang eksena ng pelikula na manatiling nakatuon kay Jesus ang focus niya. Oo, maraming masamang pangyayari sa buhay. Masakit ito at nakakawala ng pag-asa. Nilalamon tayo ng galit at nalilito sa napakaraming tanong: Bakit ako pa? Masamang tao ba ako? Hindi ba dapat nilang pagbayaran ang ginawa nila? Nasaan ang Diyos kung talagang kailangan mo siya?  Pero kung mananatili tayo sa dilim at sama-ng-loob, may mababago ba?  Inaanyayahan tayo ni Jesus na ipagkatiwala natin ito sa kanya – manalig na alam niya ang kanyang ginagawa. Ipaubaya natin sa Panginoon ang ating galit at sama-ng-loob. Magsimula tayong muli at subukan nating lumakad sa alon na nakakapit sa Panginoon.  Maligayang paglalakbay!