Daughters of Saint Paul

AGOSTO 13, 2018 LUNES SA IKA 19 LINGGO NG TAON San Ponciano Papa, at San Hipolito, Pari, mga martir

MATEO 17:22-27

Minsan nang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila ng Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta sa Templo at tinanong nila siya: “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo?” Sumagot siya: “Siyempre.” At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?” Sumagot si Pedro: “Ang iba.” At sinabi ni Jesus: “Kung gayon, di-saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isadang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, si Jesus ang Anak ng Diyos, pero hindi ito matanggap-tanggap ng karamihan.  Tulad sa pagbasang ating narinig.  Ordinaryong mamamayan lang ang turing ng tagasingil ng buwis ng templo kay Jesus.  Kaya malakas ang loob niyang mag-usisa kay Pedro kung nagbabayad Siya ng buwis o hindi.  Dahil dito, inutusan ni Jesus si Pedro na mamingwit ng isda para makatagpo ng perang ibabayad sa buwis.  Sa ganitong paraan, ipinakita ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Anak ng Diyos.   At pinatunayan na sa pananampalataya nagmumula ang pagtupad ng tungkulin sa Panginoon.   Bilang mga binyagang Kristiyano, tayo rin, ibinilang ng ating Diyos Ama na Kanyang mga inampong anak nang dahil kay Jesus.  At bilang mga anak ng Diyos, hindi Siya tumitingin sa mga materyal na bagay na inihahandog natin sa Simbahan.  Kundi dinadama Niya ang nilalaman ng ating puso kung malinis ba ang ating budhi sa pagpupuri sa Kanya; kung inaalagaan ba natin ang ating pananampalataya sa Kanya; kung malaya ba ang ating kalooban mula sa kasalanan, at kung tapat ba nating pinaglilingkuran ang ating kapwa.  Bukod pa rito, wala Siyang hinihintay na anumang materyal na bagay, dahil alam Niyang hindi sa lahat ng oras, makakaya natin itong ibigay.  Panginoon, marapatin Mo pong mapanindigan ko ang dakilang karangalang maging Iyong Anak.  Sikapin ko nawang mamuhay lagi ayon sa Iyong kalooban.  Amen.