Daughters of Saint Paul

AGOSTO 13, 2019 MARTES SA IKA-19 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: MATEO 18:1-5, 10, 12-14

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata ay hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. “Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng Aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay n’yo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit ang mawala ang isa man sa maliliit na ito.”

 

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Noong isang araw sa Nueva Ecija, may nagkuwento sa akin na matagal nang nawawala ang isang lalaki dahil isa daw siyang pusher. Sa isang baryo, may isang dalagita na lumayas dahil halos buong sambayanan hindi na siya tanggap dahil sa isang pagkakamali, at kahit na magulang itinakwil na siya. Ilang kongregasyon na rin na nalagasan ng bokasyon dahil walang nakapitan ang seminarista o nagmamadre nung panahon na nasa krisis sya. Sabi nga sa dinaluhan kong “formation encounter” na mahalaga daw ang “accompaniment”. Yung pag-akbay sa kapwa lalo na sa oras ng kahirapan. Yun bang sasamahan mo sya sa oras ng kahinaan, ng kalungkutan, ng kadiliman ng pag-iisip. Sino ba naman ang taong hindi napanghinaan ng loob, o hindi nalumbay, o naguluhan sa pagdedesisyon? Kahit ano man ang estado natin sa buhay, maging ama o ina ka man ng tahanan, maging anak na nasa kasibulan ng taon, maging pari o maging madre, o monghe at mongha man. May panahon ng tag-landslides. Gumuguho ang kakayanan natin na nangangailangan tayo ng kakapitan. Nasaan ang Diyos? Maaaring ito ang tanong natin. Ang tugon: “Kailan ba umalis ang Diyos sa ‘tin?” Mula nang nilikha niya tayo, nanatili na Siya sa atin. Kumikilos ang Diyos sa mga taong nasa paligid natin. May oras na naghihintay Siya na humingi tayo ng tulong. May panahon din na Siya na mismo ang unang kikilos kapag hindi na natin makayanan. Kaya kapag naligaw tayo, hindi tayo nag-iisa. Maging “attentive” tayo sa kilos ng Diyos . Mahal Niya tayo at hindi niya tayo pababayaan.