Daughters of Saint Paul

AGOSTO 13, 2020 – HUWEBES SA IKA-19 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 18:21 – 19:1

Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba? Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong  beses. Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang  ang kanyang mga utusan… Iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao… At nagpatirapa naman sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang na mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya… Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: Bigyan mo paako ng panahon… Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang kanilang kapwa-lingkod… Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon… ‘Masamang utusan… Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkakaawa ko sa iyo? Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang. “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid. 

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  “Patawarin mo kami gaya ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin.” Lubos ba nating nauunawaan ang bahaging ito ng Ama Namin? Ito ang kabuuan ng mensahe ni Jesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Habang patuloy tayong nangangailangan ng awa at pagpapatawad ng Diyos, hindi rin tayo dapat tumigil ng pagpapatawad sa ating kapwa na nagkasala sa atin. Tunay na mahirap magpatawad lalo na kung sariwa at kumikirot pa ang sugat na likha nito. Sa ganang atin, napakahirap pero sa tulong ng grasya ng Diyos, kakayanin natin. Mga kapanalig, nakapagpapagaan ng dibdib ang magpatawad at nagdudulot ng tunay na kapayapaan. Nasubukan ko na ito. May kagalit ka ba? Subukan mo rin.