MATEO 18: 1-5,10,12-14
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata ay hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. “ Huwag n’yo sanang hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng Aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay n’yo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit ang mawala ang isa man sa maliliit na ito.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, itinampok ng Panginoon sa Ebanghelyo ang mga bata bilang huwaran ng mga taong mas una sa Kaharian ng Langit. Itatanong natin, ano bang mga katangian meron ang bata bakit ganun na lamang ang pagkagiliw sa kanila ng Panginoon. Ang mga maliliit na bata, simple at mababaw ang kaligayahan. Anuman ang ibigay mo sa kanila malugod nila itong tatanggapin na puno ng pasasalamat. Wala silang pagkukunwari; mapagtiwala sila at may kababaang loob. Ito din ang mga katangiang inaasahan sa atin ng Panginoon sa ating pakikitungo sa Ama. Kailangan nating magkaroon ng pusong katulad ng mga bata. Laging umaasa sa habag at tulong ng mapagkalingang Diyos. At laging kinikilala na kung wala ang Diyos, wala rin tayo. Ang ating araw-araw na pag-iral utang natin sa Kanya; at ano man ang tinatamasa natin sa ngayon bunga ng Kanyang kagandahang loob. Kaya wala tayong dapat ipagmalaki; kundi laging mamuhay na may pasasalamat sa puso, puno ng kagalakan dahil kinakandili tayo ng isang Diyos na mapagmahal. Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong katulad ng isang bata, nang maging marapat akong pumasok sa Kaharian ng Langit. Amen.