EBANGHELYO: Mt 19:3-12
Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan na lamang; kaya huwag papaghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, malibang dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi nakapag-asawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Cleric John Christian Baxa ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kilala ang mga Pilipino na may strong family ties. Pero nakakalungkot na may ilang mga mambabatas at mga mamamayan na isinusulong ang diborsyo, dahil daw sa mga kaso ng marital abuses. Bilang isang tunay na Kristiyano, marapat natin itong tutulan./ Normal lamang sa bawat mag-asawa ang di pagkakaunawaan minsan, pero hindi solusyon ang paghihiwalay o diborsyo. Sa halip, dapat itong pinag-uusapan ng mahinahon at masinsinan. Alalahanin natin, na ang pag-aasawa ay isang bokasyon na sinumpaan sa harap ng tao at Diyos na sila’y magsasama sa hirap at ginhawa./ Mga kapanalig, sa mabuting balitang narinig natin, maliwanag na sinabi ng ating Panginoon na ang pinagsama ng Diyos ay hindi maaring paghiwalayin ng tao. Diyos ang may akda at may likha, kaya siya rin ang may kakayahan at kapangyarihang alisin o baguhin ito. Gayunpaman, inaanyayahan tayo ng Diyos na manindigan sa bokasyong pinipili natin sa buhay, dahil kung tayo’y magiging tapat dito, tunay tayong magiging saksi ng kanyang paghahari dito sa lupa.