Daughters of Saint Paul

AGOSTO 14, 2021 – SABADO SA IKA–19 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 19:13-15

May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong n’ya ng kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na s’ya. 

PAGNINILAY

Isinulat ni Vicky Lucero ng Institute of our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mahigit isang taon ng tahimik ang paaralan, walang sigla, walang buhay dahil sa pandemya. Nakakamiss ang maliliit na tinig sa panalanging paawit bago magsimula ang klase. Nakakaaliw pagmasdan ang walang sawang pagtatakbuhan kapag lunchbreak at oras ng uwian. Tunay na nakakatuwa at kamangha-mangha ang mga batang sadyang bibo, simple at inosente. Aba, mahigit na tatlong dekada na palang kasa-kasama ko ang mga bata, kaya naman pala feeling young pa rin ako! Mga kapatid, ang Ebanghelyo natin ngayon ay napakaikli, pero magandang pagnilayan ang tatlong mahahalagang aksiyon: ang pagdadala kay Hesus ng mga bata, ang pagkagalit ng mga alagad sa mga taong nagdala sa kanila at ang pagtanggap ni Hesus sa mga bata sabay wika, “Pabayaan ninyo silaHuwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata.” Kahanga-hanga ang ginawa ng mga taong nagdala sa mga bata kay Hesus upang sila ay mabendisyunan. Ipinakita nila dito na bata man sila ay kinakailangan din ng parehas na pagpapahalaga. Samantalang ang mga alagad naman ay nagalit at pinaalis sila.  Kung bakit tila humadlang sila na lumapit kay Hesus ang mga bata ay dahil noong kapanahunan ni Hesus mababa lamang ang halaga ng mga kababaihan at mga bata, 2nd class citizen, ika nga. Maaari din namang sadyang “ayaw nila” sa mga batang may taglay na  kalikutan, isip bata at hindi kapaki-pakinabang. Sa kabilang banda naman ang tinuran ni Hesus ay nagpapakita ng pagtanggap Niya sa kanila. Marahil kinagiliwan din ni Hesus ang mga bata o naaliw Siya sa kanila. Ang mga katangiang taglay nila tulad ng pagiging simple at inosente ay malapit sa Kanyang puso. Alam ni Hesus na sila, isip bata man sa ngayon, ay darating din ang panahon na magiging kapaki-pakinabang sila. Ang pagbibigay ni Hesus ng pansin sa mga bata ay nagpakita ng pagpapahalaga at pagmamahal maging sa maliliit na bata. Sa tagpong iyon itinaas ni Hesus ang “halaga” ng mga bata. Ating pag-isipan: Ako ba ay naging hadlang o naging dahilan upang mapalapit ang mga bata kay Hesus? 

PANALANGIN

Panginoon, tulutan po Ninyo kaming maging mabuting halimbawa sa mga bata upang sa pamamagitan namin ay makilala Ka nila, madama ang Iyong kabutihan at pagmamahal. Amen.