BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ikalabing-apat ngayon ng Agosto, ginugunita natin si San Maximilian Maria Kolbe, pari at martir. Itinampok siyang banal ni St. John Paul II, taong 1982, dahil sa ginawa niyang pag-aalay ng buhay, kapalit ng paglaya ng isang ama ng pamilya, na nahatulang mamatay. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating lumago tayo sa kabanalan. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labimpito, talata dalawampu’t dalawa, hanggang dalawampu’t pito.
EBANGHELYO: Mt 17:22-27
Habang nagsasalita pa si Jesus, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”
PAGNINILAY
Kapistahan ngayon ni San Maximilian Maria Kolbe, isang pari na nakulong sa Auschwitz noong ikalawang digmaang pandaigdig. Bilang parusa sa mga bilango, pumili ang mga guwardiya ng 10 sa mga preso na mamamatay dahil sa gutom. Pagkatawag sa pangalan niya, may isang lalaki na sumigaw: “Ang asawa ko! Ang aking mga anak.” Nang marinig ito ni Padre Maximilian, nagtaas siya ng kamay at nagsabing aakuin niya ang lugar ng nasabing bilanggo. Takang-taka ang mga bantay na mayroon taong magkukusang mag-alay ng sarili para maligtas ang isang taong hindi naman niya kilala. Tulad ni Kristo, namatay si Maximilian pagkatapos ng ilang araw ng paghihirap. Pero nananatiling buhay ang kanyang pangalan at halimbawa ng pag-ibig na dalisay hanggang sa ating panahon. Noong 1982, itinanghal na santo si Maximilian ni Papa Juan Pablo II. Kasama sa mga panauhing pandangal sa pagdiriwang na iyon si Franciszek Gajowniczek, ang bilanggong iniligtas niya sa kamatayan noong 1941.
PANALANGIN
Panginoon, tulungan mo po akong maging handang tumugon sa mga paanyaya mo sa akin sa araw na ito. Pagkalooban mo po ako ng pusong tunay na may malasakit sa mga taong mas higit na nangangailangan kaysa akin, at kamay na handang tumulong sa abot ng aking makakaya. Amen.