Ebanghelyo: MATEO 18,15-20
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin s’ya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian n’yo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan n’yo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Pangalan ko, kapiling nila ako.”
Pagninilay:
May kasabihan na “kung hindi makuha sa santong dasalan eh daanin sa santong paspasan.” Sa aking karanasan, palo ang inabot ko dahil sa tigas ng ulo at hindi pagsunod sa magulang. Pero pagkatapos, ipinaliwanag naman sa akin kung bakit ako pinalo para hindi ko na ulitin ang maling ginawa. Mga kapanalig/kapatid, hindi naman masama ang pagtutuwid sa taong nakagawa ng mali o ng pagkakasala. Sabi nga ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan.” Upang maging maayos ang pagtutuwid na ito, marapat na gawin ito nang may paggalang at pagmamahal. Pagpapakita ito ng malasakit at pagpapahalaga sa kapwa upang maakay siya sa tamang landas. Kailangan nating ipagdasal ang kanyang pagbabago, pero marapat din na maglakas-loob tayong kausapin siya upang itama ang pagkakamali. Wala nang hihigit pa sa pag-ibig na itatapat natin sa taong nagkamali o napariwara. Nawa’y maging bukas-loob tayo sa pagmamalasakit ng iba kapag tayo naman ang nagkamali at itinatama.