Daughters of Saint Paul

Agosto 15, 2017 MARTES sa Ika-19 na Linggo ng Taon / Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria

 

Pag 11:19a; 12:1-6a, 10ab – Slm 45 – Lc 1:39-56

Lc 1:39-56

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi:  “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan!  Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”

At sinabi ni Maria:  “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.

“Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.

 “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.

 “Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”

 Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo na maririnig natin.  Umawit si Maria, “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.” Bakit?  Dahil “gumawa siya sa akin ng mga dakilang bagay.”  Ngayong kapistahan ng pag-akyat sa langit ng Mahal na Birheng Maria, tanungin natin ang ating sarili:  Anong kadakilaan ang ginawa ng poon sa buhay ko? Lakas? Kalusugan? Kabiyak o kasintahan? Mga anak? Trabaho? Galing? Kagandahan? Kabutihan?  Sa araw na ito, isulat mo sa isang papel ang lahat ng biyaya ng Diyos.  At kasama ng Mahal na Birhen, dakilain natin siyang nang buong pasasalamat at pagpupuri.  Panginoon, kasama ng Mahal na Birheng Maria, itinataas ko po Sa’yo ang aking papuri at pasasalamat sa walang hanggang pag-ibig Mo sa akin, at sa sangnilikha.  Hindi man po ako karapatdapat pag-alayan ng buhay at mahalin dahil sa aking paulit-ulit na pagkakasala, pero hindi po ito naging hadlang upang hindi Mo ako mahalin.  Maraming salamat po sa’yong wagas na pagmamahal sa akin.  Mamuhay nawa ako sa’yong pagmamahal, nang matutunan ko ding magmahal at maging daluyan ng iyong pagmamahal sa aking kapwa.  Amen.