LUCAS 1: 39-56
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. “Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
PAGNINILAY:
Narinig natin sa Ebanghelyo ang Magnificat ni Maria. Ito ang awit ng kanyang puso bilang papuri at pasasalamat sa dakilang bagay na tinanggap niya sa Diyos. Buong buhay siyang naging tapat at pinanatili niya ang taglay niyang dalisay na kalooban. Nang matapos naman ang misyon niya, iniakyat siya sa Langit ng Panginoon. Kaya nga ang Kapistahan ngayong nagpaparangal kay Maria sa kanyang kaluwalhatian, nagpapaalala din sa atin na lahat tayo nilikha para sa walang hanggang kaluwalhatian. Ang Pag-akyat ni Maria sa Langit hindi lang isang madamdaming pagninilay tungkol sa Mahal na Ina. Kundi ito’y pagdiriwang ng tagumpay at makapangyarihang pagpapatotoo upang tayo din manatiling tapat sa Diyos sa tulong ng kanyang pamamagitan, sa gitna ng mga pagsubok at tiisin sa buhay. Mga kapanalig, tayo rin may nakalaang kaluwalhatian kung magiging tapat tayong dalisayin ang ating kalooban tulad ni Maria, at kung mananatiling tayong mababang loob na gamitin ng Diyos sa mga gawaing magpaparangal sa Kanya. Kung paanong niluwalhati si Jesus sa Kanyang pagpapakababa, ganun din niluwalhati ang kanyang malapit na tagasunod, ang Kanyang abang utusang – si Maria. Kilalanin din natin ang mga dakilang bagay na ipinamamalas ng Diyos sa ating buhay. At umasa tayong makakapiling natin si Maria at ang ating Panginoon sa kaluwalhatian Niya balang araw.