Daughters of Saint Paul

AGOSTO 15, 2020 – SABADO SA IKA-19 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 1:39-56

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinasaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. “Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan… “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinatampok naman ang mga balewala. Binusog niya ang mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” …

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sa mga turo ng Santa Iglesia Katolika, mayroong tinatawag na dogma. Mga turo ito ng simbahan na dapat paniwalaan ng walang pagdududa. Isa dito ang pag-aakyat sa langit sa Mahal na Birhen, katawan at kaluluwa. Gantimpala ito sa kanyang pagtalima sa dakilang plano ng Diyos na maging ina ni Jesus. Hindi hinayaan ng Diyos Ama na mabulok ang katawang lupa ng Mahal na Birhen.  Mga kapatid, ipanalangin natin lalo na sa panahon ngayon ng krisis ng buhay na tulungan tayo ng Mahal na Birhen na malampasan ng may matibay na pananampalataya ang mabigat nating nararanasan. Ako man, sa kabila ng maraming oras ng pananalangin at pagninilay ng salita ng Diyos, ay nakakadama rin ng parang susuko na, kase pagod na, hindi dahil mabigat ang gawain kung hindi dahil emosyonal na bigat ng damdamin sa hirap na dinaranas lalo na ng mahihirap. Pero, humingi tayo ng tulong sa Mahal na Ina. Hindi nya tayo pababayaan. Ang lakas niya ay magiging lakas din natin. Pagpalain tayo ng Diyos Amen.