EBANGHELYO: Lk 1:39-56
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t-salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ipinagdiriwang natin ngayon ang dakilang kapistahan ng pag-aakyat kay Maria sa kalangitan. Pinaniniwalaan natin na ang langit ay isang estado na kung saan kapiling at kaisa natin ang Diyos. Si Maria, dahil sa kanyang huwarang pamumuhay at pagsunod sa Diyos, ay hindi napasailalim sa korapsyon ng kamatayan. Iniakyat sya, katawan at kaluluwa sa piling ng Diyos, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa daigdig.// Isang larawan at modelo si Maria ng ating pag-asa at pagtugon sa Diyos. Ang pag-aakyat kay Maria ang larawan ng ating pag-asa at kasiguraduhan sa buhay na walang hanggan. (Pero upang makamit ito, hinihikayat tayong tularan ang fiat ni Maria, ang kanyang pagtugon sa kalooban ng Diyos, kahit pa magdulot ito sa atin ng buhay patungo sa kalbaryo, sa paanan ng Krus. Nawa, sa katapusan ng ating buhay, makasama tayo ni Maria, katawan at kaluluwa.// Ipinapakita din ng pag-aakyat kay Maria ang dignidad at kahalagahan ng ating katawan at pagkatao. Ipinapakita dito na maging ang ating katawang lupa ay dadalhin patungo sa kaharian ng Diyos kung saan wala ng korapsyon. Paalala ito na igalang din natin ang ating katawan at pahalagahan katulad ng pagpapahalaga dito ng Diyos mula sa paglikha at paghubog sa atin. Hindi tayo diyos ng ating sarili at hindi natin pag-aari ang ating katawan. Dahil nagmula ang lahat ng ito sa Diyos at babalik muli sa kanya.//) Ipanalangin natin na makasunod tayo sa kalooban ng Diyos sa halimbawa ni Maria, upang sa huli ay makamtan din natin ang grasya ng pag-aakyat sa Kalangitan, katawan at kaluluwa. Amen.