Daughters of Saint Paul

AGOSTO 15, 2023 – MARTES SA IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal ng Birheng Maria

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Mahal na Birheng Maria sa Langit.  Isa itong dogma ng Simbahang Katolika, na idineklara ng dating Santo Papa Pio Ikalabindalawa noong November 1, 1950 na nagsasabing: “Si Maria, ang kalinis-linisang Ina ng Diyos, matapos tahakin ang banal na buhay, inakyat ang katawan at kaluluwa sa kaluwalhatian.”  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata isa, talata talumpu’t siyam hanggang limampu’t anim.

EBANGHELYO: Lk 1:39-56

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t-salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Si Maria ang great Masterpiece ng Banal na Diyos! Ang Banal na Diyos Ama, na sa Kanyang Banal na Espiritu, pinuspos si Maria nang hindi mabahiran ng kasalanan, at nang maging karapatdapat na maging Ina ng Diyos Anak. Siya rin ang Kabanal-banalang Diyos, na nag-akyat kay Maria sa Langit. Bilang Simbahan na naglalakbay, patungo sa banal na Tahanan ng Banal na Diyos, si Maria ang watawat ng ating pag-asa. Sa narinig nating Mabuting Balita ngayon, lumabas si Maria at nagmadali patungo sa kanyang pinsan na si Elisabet. Ito ang naging tema ng World Youth Day 2023 sa pamumuno ni Pope Francis noong August 1-6 sa Lisbon, Portugal. “Mary arose in haste” o “Lumabas at nagmadali si Maria.” Bawat kabataan, lumalarawan kay Maria. Inaasahang makibahagi sa misyon, ang bawat youngster, na dalawin ang mga nag-iisa; magbahagi ng masasayang balita via internet; magvolunteer sa mga local charities sa kinabibilangang Parokya. Ilan ito sa tinatawag na paglalakbay tungo sa kabanalan: Ang lumabas at dalhin si Kristo sa diwa ni Maria.