Daughters of Saint Paul

AGOSTO 16, 2018 HUWEBES SA IKA 19 LINGGO NG TAON San Roque, Manggamot at San Esteban ng Hungria, Hari

MATEO 18:21 – 19:1

Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba? Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t beses. Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang  ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang na mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo! Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: Bigyan mo paako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo. Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat mong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo? Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapaghirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang. Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid. Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsiya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.

PAGNINILAY:

Madalas nating sinasambit sa dasal na Ama Namin na “Patawarin Mo kami sa aming mga sala, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.”  Suriin natin ang ating sarili; naisasabuhay ba natin ang mga salitang ito? O ito’y sauladong dasal na nakasanayan na nating dasalin nang wala sa loob? Ang Ebanghelyo ngayon, panawagan na magpatawad, kalimutan ang hindi magandang nangyari, at magpatuloy sa ating buhay.  Hindi mahalaga kung tinanggap ang ating pagpapatawad o tayo naman ang pinatawad.  Ang mahalaga, nagpatawad tayo!  At ang pinakamabuting pagpapatawad, burahin ang lahat ng mga pagkakautang katulad ng ginawa ng Panginoon sa kanyang lingkod.  Sa ating karanasan hindi madaling magpatawad lalo na kung malalim ang sugat na iniwan nito sa ating puso.  Pero sa tulong ng Panginoon, kaya natin itong gawin.  Kapag tayo’y nakapagpatawad, ibayong saya ang mararamdaman natin, makakatulog tayo ng mahimbing sa gabi, at hindi maipaliwanag na kapayapaan ang mamamayani sa ating puso’t isip.