EBANGHELYO: Mt 15:21-28
Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw siya nang sigaw sa likod natin.” “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” “Babae, napakalaki ng iyon pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Kapag tibay ng pananampalataya ang pag-uusapan, ‘di papahuli dyan ang mga Pilipino. Sa gitna nang nangyayaring krisis at pandemya, marami pa ding kristiyano ang nagnanais na pumunta, manalangin at magsimba muli sa mga simbahan. Marami ang nagpapasalamat sa mga biyayang natanggap, pero mas marami pa din ang mga humihingi ng personal na kahilingan, lalung-lalo na ang mapagaling sila sa kanilang karamdaman./ Mga kapatid, buong pagtitiwala at lakas ng loob ang puhunan ng babaeng Kananea sa ating ebanghelyo ngayong araw. Siya’y desperada na, nais niya’y mapanumbalik ang sigla ng kanyang anak na inaalihan ng demonyo. Bagamat may katanungan si Hesus sa kanya, naglakas loob siyang sagutin ito para sa kagalingang kanyang isinusumamo kay Hesus./ Sa panahon ngayon ng pandemya, inaanyayahan din tayong magkaroon ng dalawang katangiang ipinakita sa atin ng isang ina sa ebanghelyo—buong pagtitiwala at lakas ng loob. Hindi pabaya ang Diyos! Hindi siya bulag! Gayunpaman, kailangan nating maging matatag, magtiwala at manampalatayang maghihilom din ang lahat, sa oras at panahong ang Diyos lamang ang nakakaalam. Amen.