Daughters of Saint Paul

AGOSTO 16, 2021 – LUNES SA IKA–20 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 19:16-22

Lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.”  “Anong mga utos?” “Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’” “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” “Kung gusto mo maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.

PAGNINILAY

Ngayong panahon ng pandemya, kung saan napakarami nang tao ang namatay, hindi maalis sa atin ang matakot at mangamba na mahawaan ng nakamamatay na sakit. Hindi tayo malayang kumilos at pumunta kung saan-saan, dahil sa takot na mahawaan at makahawa ng sakit na ito.  Pero ang kamatayan ay realidad ng buhay, gaano ka ba kahandang harapin ito?  Sa ebanghelyo ngayon, sinagot ni Hesus kung paano makakamit ang buhay na walang hanggan: “Ipagbili mo ang iyong ari-arian at saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Si Hesus at ang ugnayan sa kanya ang una at tanging pinakamahalaga.  Ang importante ay maging malaya sa lahat ng mga tao, bagay, masamang bisyo at pag-uugali na maglalayo sa atin sa kanya – ito ang mga “ari-ariang” kay-hirap, pero dapat nating talikdan.   Habang tayo’y nagkaka-edad, mahalaga ang pag-iingat sa’ting katawan bilang katawan ni Kristo. Karanasan ang magtuturo, na anumang kainin o gawing labis — maging mabuti man ang mga ito — ay tiyak na magdudulot ng sakit o maagang kamatayan. Higit kailanman, dapat kilalanin, igalang at sundin ang makabubuti sa katawan. Disiplina. Dedikasyon. Tiwala at lakas ng loob. Ito ang mga sandata na dapat   lagi nating dala bilang tagasunod ni Kristo! Tandaan,  na hindi siya kailanman mag-uutos sa atin ng isang bagay  na hindi natin makakayang gawin. Kasabay ng kanyang utos ang mga biyayang kakailanganin para ito matupad. SANA, naisip ng binata ang katotohanang ito sa halip na malungkot na umalis.  

PANALANGIN

O, mahal na puso ni Hesus, patnubayan mo kami para walang anumang ari-ariang makahadlang sa paghahari ng Diyos sa aming buhay, Amen.