Daughters of Saint Paul

AGOSTO 16, 2023 – MIYERKULES NG IKA-19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | Paggunita kay San Roque, nagpapagaling

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules mga ginigiliw kong tagasubaybay ng programang ito.  Kumusta po kayo?  Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan, at laging umaasa sa mahiwagang pagkilos ng Diyos sa inyong buhay.  Ikalabing-anim ngayon ng Agosto, ginugunita natin sina San Roque, na isang manggagamot, at San Esteban ng Hungaria na isang hari.  Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin, hilingin nating dagdagan ang ating pananampalataya upang makayanan ang mga pinagdadaanang pagsubok sa buhay.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  May aral tungkol sa pagpapatawad ang Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Mateo kabanata Labing-walo, talata Labinlima hanggang Dalawampu.

EBANGHELYO: Mt 18: 15-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin s’ya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian n’yo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan n’yo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Pangalan ko, kapiling nila ako.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Mennen Alarcon ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mga kapatid, ang pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa ay isang kautusan na ibinigay sa atin. Kailangan maisaalang-alang ito sa lahat ng oras ng ating buhay. At sa ating pagsunod sa mahalagang kautusan na ito, maraming beses din tayong nagkakamali o nagkakasala. Ipinapaalala sa atin Mabuting Balita ngayon, kung ano ang ating gagawin sa mga pagkakataong nagkasala ang ating kapwa. Pero kailangan din nating bigyan ng pansin ang ating mga sarili, kung tayo din mismo ang nagkasala sa ating kapwa. Narinig natin sa Mabuting Balita, na tayo ang pupunta sa kapatid nating nagkasala, upang kausapin siya at ituwid ang kanyang pagkakamali. Pero kung “pride” ang iiral sa atin, kung sumunod tayo sa naging pamantayan ng iba, sa halip na pamantayan ng Diyos, sasabihin nating siya ang nagkasala, siya ang lumapit. Ang ginawang pagkakasala ang “focus”, para sikaping itama at magkasundo. Ang pagpapakumbaba at pagtanggap ng ating pagkakamali ay mahalaga. Nawa’y pagmamahal sa Diyos, sa kapwa at pagpapatawad, ang manaig sa ating puso para sa kabutihan ng lahat.  

PANALANGIN

Panginoong Diyos, maraming salamat po sa araw-araw na mga biyaya! Salamat po sa iyong gabay lalo na sa pakikipagkasundo sa aming mga kapatid.  Hindi po ito madali para sa amin kaya tulungan mo po kami na gawin ito. Hinihiling po namin ang mga biyaya ng pagpapakumbaba, pakikinig, pagtanggap ng pagkakamali, pagpapatawad, pagkakasundo at pagmamahal sa kapwa. Kami po ay umaasa at nananalig sa iyo, amen.