Daughters of Saint Paul

Agosto 16, 2024 – Biyernes sa Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kay San Roque, nagpapagaling

Ebanghelyo: MATEO 19,3-12

Lumapit kay Hesus ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan na lamang; kaya huwag papaghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, malibang dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi nakapag-asawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”

Pagninilay:

May nagsasabi: “Sa buong mundo, sa Vatican at sa Pilipinas na lang hindi ligal ang diborsiyo. Hindi ba dapat, sumali na tayo?” Pumasa na rin po sa congreso ang divorce bill, kaya’t hinihintay nilang talakayin ito sa Senado bago maging batas. Kaya’t sumulat po ang ating mga Obispo ng kanilang pahayag kamakailan na pinamagatang: A Nation Founded on Family, A Family Founded on Marriage. Payo nila, “bago tayo sumali sa kung ano ang kalakaran, hindi ba natin dapat tanungin ang ating sarili, batay sa pananaliksik at istatistika, kung nakatulong nga sa pagprotekta sa kabutihang panlahat at kapakanan ng pamilya ang legalisasyon ng diborsyo sa buong mundo?”  Marahil ang pinakaangkop na pangaral sa mga taong sabik na makabuo ng Absolute Divorce Law sa ating bansa ay “maghunosdili muna tayo at mag-isip-isip.” Gusto ba natin ito para sa ating sarili? Gusto ba talaga nating gawing madali para sa mga kinasal sa huwes na ma-dissolve ang kanilang pagsasama kapag “gusto na” nila, o kapag hindi na nila “gusto”? Sinasabi sa mga istatistika na sa mga bansa kung saan ligal ang diborsiyo sibil, “ang rate ng pagkabigo para sa unang kasal ay 48%, 60% para sa pangalawa at 70% para sa ikatlong kasal”. Sigurado ba tayong gusto nating maging bahagi ang ating mga pamilya sa malagim na istatistikang ito? Bagama’t totoo na ang ilang pag-aasawa ay maaaring hindi na maayos, hindi ba dapat din nating pakinggan ang mga kuwento ng mga mag-asawang dumaan sa mga krisis sa kanilang relasyon at, pagkatapos ng maraming taon, napagtanto na hindi naputol ang kanilang pagsasama? Na talagang pinalakas ito ng mga krisis? Sabi nga ni Pope Francis sa Amoris Laetitia “Ang diborsiyo ay masama at ang dumaraming bilang ng mga diborsyo ay lubhang nakakabagabag. Samakatuwid, ang pinakamahalagang gawain ng pastoral sa mga pamilya ay palakasin ang kanilang pagmamahalan, pagtulong sa paghilom ng mga sugat, at pagsisikap na maiwasan ang pagkalat ng diborsiyo sa ating panahon.” Kapatid/Kapanalig, kapag nawasak ang pag-aasawa at ang pamilya, paano na ang ating buong bayan?