MATEO 19: 3-12
Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, malibang dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, patungkol sa bokasyon ang diwa ng Ebanghelyo ngayon. May mga nagsasabing napakabigat na bokasyon ang pagpapari at buhay relihiyoso. Pero kung titingnang mabuti, mabigat din ang bokasyon ng pag-aasawa. Sa pagitan ng mga mag-asawa, kailangang mamayani ang katapatan, pag-unawa, pag-ibig, pagsasakripisyo para sa isa’t isa at para sa kanilang mga supling. Pero hindi madali ito dahil walang paaralan para sa mga mag-aasawa. Kung tutuusin, mabuti pa ang mga nais magpari o magmadre o hermano dahil may seminaryo o kumbento kung saan sinasanay sila para sa buhay na kanilang yayakapin. Tama nga si Jesus! Kung mag-aasawa ang isang tao, kailangang may malambot siyang puso na handang maging bukas sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Dahil kung wala siya nito, magiging miserable lamang ang kanyang buhay at ang buhay ng mga taong dapat minamahal niya. Nakakalungkot isipin na mula pa sa panahon ni Moises, magpahanggang ngayon, nagpapatuloy na usapin ang diborsiyo. Pero matatag ang paninindigan ng Simbahan na labag ito sa kalooban ng Diyos. Kaya paalala ito sa mga nagnanais mag-asawa na pag-isipang mabuti at ipagdasal ang gagawin n’yong desisyon nang huwag kayong magkakamali at magsisi sa huli.