Daughters of Saint Paul

AGOSTO 17, 2021 – MARTES SA IKA–20 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 19:23-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; subalit sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumusunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong kaluwalhatian, uupo rin kayo sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa Pangalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Kayla Ventura ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ano nga ba ang sukatan ng yaman ng tao?  Materyal na yaman lang ba o espiritwal na yaman?  Ang ebanghelyo sa araw na ito ay nagbibigay liwanag sa imbitasyon sa atin ng Panginoon na sumunod sa Kanya.  Kaya nga masasabi natin na walang imposible sa taong sumusunod at nagtitiwala sa Diyos. Masasabi din natin na ang ebanghelyo ngayon ay tumutukoy sa bokasyon, lalong lalo na ang bokasyon sa pagpapari o pagmamadre.  Hindi naging madali ang pagpasok ko sa kumbento.  Hindi madaling iwan ang pamilya!  Panghihinayang at mga negatibong agam-agam ang naging baon ko. Pero buo ang aking loob at nagtiwala ako sa sinabi ni Hesus na “lahat ng lumisan ng bahay, o mag-iwan ng kapatid, ama, ina o mga anak o mga yaman alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaan at magkakamit ng buhay na walang-hanggan.” Kalakip ng pagpasok ko ang lubos na pagtitiwala na hindi pababayaan ng Diyos ang aking pamilya.  At napatunayan ko na tapat ang Panginoon sa Kanyang pangako. Mga kapatid, walang imposible sa nagtitiwala sa Diyos. Para sa akin mas mahalaga ang pagkamit ng makalangit na yaman dito sa lupa, upang matamo ang buhay na walang hanggan. 

PANALANGIN

Panginoon, gabayan N’yo po kami sa pagtahak sa landas ng buhay. Puspusin Mo po kami ng pagtitiwala at matatag na pananampalataya sa pagharap ng mga unos sa aming buhay. Ingatan N’yo po ang aming pamilya at sana’y ang kaharian mo ang pagsikapan naming makamit at hindi ang mga panandaliang saya dito sa mundo. Amen.