BAGONG UMAGA
Mapagpalayang araw ng Huwebes minamahal kong kapatid kay Kristo. (Ika-labimpito ngayon ng Agosto, ginugunita natin si Santa Clara de Montefalco. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating matuto tayong magpatawad nang walang hanggan, katulad ng patuloy na pagpapatawad ng Panginoon sa atin.) Ito po muli ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labinwalo talata dalawampu’t isa hanggang kabanata Labing-siyam talata isa.
EBANGHELYO: Mt 18:21 – 19:1
Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba? Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad utang. At nagpatirapa naman sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo! Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang kanilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat mong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang. Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.” Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsiya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, tampok sa ating Mabuting Balita ang Talinghaga ng “Wicked Servant.” Ginamit ito ni Hesus bilang magandang pagkakataon upang turuan ang kanyang mga alagad ng pagpapatawad. Alam niyo po mahirap naman talaga magpatawad. Lalo na kung nasaktan ka talaga, at parang “okay” lang dun sa nanakit sayo, yung remorseful but not contrite. Nagsisisi pero hindi humihingi ng tawad. Pero mas masaklap yung kinaawaan ka na, naging mas malupit ka pa sa iba. At yan po ang nais ipunto sa atin ng Mabuting Balita ngayong araw. Yung awa ng Diyos hindi natatapos, patuloy na bumubuhos sa atin. Kaya sa mga pagkakataong kailangan mong magpatawad, isa-isip mong nauna ka nang kinaawaan, pinatawad, at patuloy na minamahal ng Diyos. Kaya wala ring punto kung magiging malupit tayo sa isa’t isa. Vicious cycle of sin ang tawag dun—paulit-ulit lang ang lupit at dahas. Tulad ng servant sa ating Mabuting Balita, may kalalagyan ang mga taong malupit. Magandang tapusin ang pagninilay na ito sa tinuran ng ating yumaong Santo Papa, Benedict XVI: “Forgiveness is not a denial of wrongdoing, but a participation in the healing and transforming love of God which reconciles and restores.”