Ebanghelyo: MATEO 19,13-15
May nagdala kay Hesus ng mga bata para ipatong n’ya ng kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Hesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng langit.” At pagkapatong ni Hesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na s’ya.
Pagninilay:
Kapanalig, sino ang una mong naiisip kapag may chocolate ka? Nareremember mo bang bigyan ang mga bata? Laliman pa natin ang ating tanong. Ano’ng mundo ang ibig nating ipasa sa mga papalaking bata? Wonderful world ba? Nakikita ba natin sa kanila ang kaharian ng Diyos tulad ng nakikita ng ating Hesus Maestro sa kanila? Humanga ako sa aking ama at ina sa kanilang pagmamalasakit sa edukasyon ng mga bata. Una, itinatag nila ang Sacred Heart School kung saan isa ako sa mga pioneers kasama ng mga kasing-age kong mga bata noon. After 40 years, humimlay na noon ang aking ina, nagtatag naman ang aking ama ng Schola Christi. Itinayo muna niya ito sa likod ng aming bahay. Tuwing umaga, kapag magmamano ang mga little boys and girls, isa-isa niya silang binibigyan ng chocolate. Super saya ng mga kids, pero alam nyo, mas malalim ang natatanggap na ligaya ng aking ama. Malamang iyon ang isa sa binibigyang kahulugan ng ating Hesus Maestro na nasa mga bata matatagpuan ang kaharian ng Diyos. Kaya naman kapag nakakatanggap ako ng chocolates, ang mga musmos ang nareremember ko. Kaya ibinibilin ko sa aming guard na kung sino ang batang magdadaan, ibigay ang natanggap kong chocolate. Paano natin maigugugol ang ating panahon sa kanila? Noong May 25 ipinagdiwang ang World Children’s Day, sa kauna-unahang pagkakataon ni Pope Francis. Layunin niya na maging tagapagtatag tayo ng makatarungan at payapang mundo para sa mga bata. Sa ating simpleng paraan naman, mag-chocolate project tayo. Halimbawa, alagaan nating mabuti ang mga batang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Ipaunawa sa kanila kung ano ang tama at mali. Turuan na magsabi ng “hindi” kapag makasasama at magsalita kapag naaabuso na. Magpaaral ng bata na hindi kayang paaralin ng magulang. Sa chocolate project, mararanasan natin ang makalangit na tuwa.