EBANGHELYO: LUCAS 12:49-53
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala n’yo ba’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Fr. Eric Mark Sarmiento ng Society of St. Paul. Mabilis lumilipas ang mga araw, kasabay nito ang mga pangyayaring tila sumusubok ng ating pananampalataya sa Diyos. Maraming giyera sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Maraming pamilya ang di magkakasundo. Nasa gitna tayo ng isang mundong nananaig ang pagkapoot. Nakapanlulumo kung ating iisipin at pagninilayan ang mga ito. Sa ating ebanghelyo, nakakagulat ang mga sinabi ni Hesus. “Naparito ako upang magdala ng pagkahihiwalay-hiwalay, at hindi ng kapayapaan.” Taliwas sa ating mga naririnig tuwing panahon ng adbiyento mula kay propeta Isaias na si “Hesus ang Emmanuel, ang Prinsipe ng Kapayapaan.” Mga kapanalig, hindi ito panawagan upang talikuran si Hesus. Sa halip, ito’y isang paalaalang totoo at pasok sa realidad ng ating buhay Kristiyano: na kapag nagdesisyon kang sundan si Hesus at manindigan sa katotohanan, maraming tutuligsa sa iyo. Sa panahong nagdesisyon ka na yakapin ang aral ng ating Panginoong Hesukristo, kasabay nito ang pagtalikod sa mga gawaing hindi kanais-nais. Ito rin ang panahong maaaring layuan ka ng mga taong nakapaligid sa iyo dahil sa pagbabagong gagawin mo. Huwag magpadala! Huwag muling magpatukso. Ito nawa ang magsilbing hamon sa atin ng ebanghelyo. Ang apoy na hatid ni Hesus ay apoy ng paninindigan. Manindigan tayo sa kanyang turo at katotohanang hatid, kahit na tayo’y kinukutya at inaalipusta ng mga manlilinlang. Hayaan nating magningas ang apoy ng pag-ibig at katotohanan ni Kristo. Hayaan nating mapaso tayo ng kanyang mga Salita. Dahil hindi lamang sumisira ang apoy, nakapagpapadalisay din ito, tulad ng isang bato na kapag isasalang sa mainit na apoy, lalabas at lalabas ang ginto.
“