Daughters of Saint Paul

AGOSTO 18, 2020 – MARTES SA IKA-20 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 19:23-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon eh, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; subalit sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi:”Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong kaluwalhatian, uupo rin kayo sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa pangalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul. “Huwag mo na pagpariin yang anak mo, sayang eh ampogi pa naman!” Sa ganitong comment, masarap magreply ng, ano akala mo sa mga pari at seminarista? Mga kapanalig, relatalk! Hindi po madaling maging pari, relihiyoso’t relihiyosa sa panahon natin ngayon. Hindi daw praktikal. Madalas pa nga ay kinukutya at nakakalungkot, kung minsan pinapatay. Pero, hindi ba’t bilang kristiyano marapat lamang tayong mamatay? Mamatay sa ating mga sarili, upang mapasinayaan ang mga gawa at salita ng Diyos, na siyang tumawag sa atin upang maging kanyang lingkod./  Mga kapatid, ipinapaalala sa atin ni Hesus sa ebanghelyo ang katotohanang dumating na ang kaharian ng Diyos, kaya nga’t marapat na gawin, bukod sa dalawang bagay na magsisi at sumampalataya, ay ang pagsuko. Ano pa ang kaya mong isakripisyo para sa kaharian ng Diyos? Kayamanan? Sariling interes? Yung mismo mong buhay?/  Hindi madali ang pagsuko. Hindi tayo magsasakripisyo dahil may naghihintay na kapalit o papuri. Ang isang kristiyano’y handang magsakripisyo, dahil una’t higit sa lahat, naranasan niya ang pagmamahal ng Diyos. Dahil dito, handa niyang suungin ang lahat upang ipaglaban ang pag-ibig ng Diyos sa kanya./  Ikaw kapatid, ano pa ang kaya mong isuko, ano pa ang kaya mong isakripisyo?