Daughters of Saint Paul

AGOSTO 18, 2021 – MIYERKULES SA IKA–20 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 20:1-16

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta n’ya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-iisang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng mas higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-iisang denaryo. Kaya’t pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito at ipinapantay mo sila sa amin ngayon na maghapong nagtrabaho sa init ng araw?’ “Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa ‘yo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.” 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni  Grace Fernan, isang Pauline Cooperator ng Cagayan de Oro ang pagninilay sa Ebanghelyo….Sa Mabuting Balitang narinig natin, kung ako yung huling dumating at nabigyan ng sahod katumbas sa mga maagang dumating, siyempre, masaya ako sa pabor na naibigay sa akin. Pero kung ako yong maagang dumating at tumanggap ng parehong sahod sa huling dumating, siguro magmumokmok din ako at magreklamo dahil hindi ito patas at makatarungan.  Ikaw kapatid, ano ang take mo dito?  Kung ang iyong kaibigan ay magbabakasyon sa lugar na gustong gusto mong puntahan pero hindi kaya ng bulsa? Hindi kaya sasabihin mo din na Sana all? Ingat! O baka ang bukambibig na “sana all” ay inggit pala… inggit na uudyok sa’yo para kwestiyunin ang  kabutihang loob ng Maykapal, na Siyang mapagbigay at maawain, na lampas sa ating pag intindi….?  

PANALANGIN

Mahal naming Panginoon, kami ay nananalig sa Inyo. Nawa’y bigyan Nyo kami ng kakayahang maging maunawain, masayahin at mapagbigay ng mga natatangap naming mga biyaya…Kami ay umaasa Sayong walang hanggang pagkalinga, habag at awa…Siya Nawa.