EBANGHELYO: MATEO 19:16-22
Lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus: “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” At sinabi naman ng binata: “Anong mga utos?” Sumagot si Jesus: “Huwag pumatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’” At sinabi sa kanya ng binata: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mo maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, umalis nang malungkot ang mayamang binata, dahil hindi niya kayang talikuran ang kayamanan sa lupa para sa Langit. Naging madali para sa kanya ang sumunod sa mga ipinagbabawal ng kautusan, pero naging mahirap naman para sa kanya ang pagtalikod sa kayamanan, upang sumunod kay Jesus. Siya ang kinontrol ng kayamanan, sa halip na ang kayamanan sana ang dapat niyang kontrolin – para mas maging kapaki-pakinabang ito lalo na sa mga nangangailangan. Mga kapatid, nasa kayamanan at tagumpay nga ba ang kaligayahan ng tao? Tanungin n’yo ang mga kakilala n’yong mayaman at sikat – tunay nga kaya silang masaya at wala nang hahanapin pa! Kung totoong ang kayamanan at tagumpay ang batayan ng kaligayahan ng tao, wala sanang dahilan ang mayamang binata sa Ebanghelyo, upang hanapin ang kulang sa kanyang buhay. Nasa kanya na ang isang bagay, na makapagbibigay ng lahat ng kaginhawahan at karangyaang mabibili ng salapi. Pero bakit lumapit pa siya kay Jesus para magtanong! Kung totoong nasa kayamanan at katanyagan ang kaligayahan, wala na sanang nagpapatiwakal na mga taong masasabing nahihiga sa salapi, sikat, at kinikilala sa kanilang larangan. Sa paghahangad nilang punan ang kulang sa kanilang buhay – marami sa kanila ang nalulong sa drugs, alcohol at sexna naging sanhi ng kanilang kamatayan. Marahil ang kahungkagang naradama nila ang nagtulak sa kanila para malulong sa drugs at alcohol. Mga kapatid, tanging ang pananampalataya natin sa Panginoon ang magbibigay kaliwanagan sa ating puso’t isip upang piliin lagi ang tama at mabuti. Kapag nakaugnay tayo lagi sa Panginoon – may saysay ang buhay, may dahilan para mabuhay, dahil Siya ang nagbibigay kahulugan sa ating buhay. Amen.
“